Tuesday, October 6, 2015

Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma

Panimula:
               Isa sa mga pangunahing layunin ng Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma ay upang makapaghanda ang mga Cristiano sa Roma para sa pagdalaw ni Pablo roon.

               Balak niyang maglingkod nang kaunting panahon sa mga Cristiano sa Roma at pagkatapos, sa tulong nila, ay pumunta naman siya sa Espanya. Sa kanyang sulat, ipinaliwanag ni Pablo ang kanyang pagkaunawa sa pananampalataya at ang praktikal na kaugnayan nito sa buhay ng mga Cristiano. Nasa aklat na ito ang pinakabuod ng kanyang mensahe.

               Matapos niyang batiin ang mga kapatiran at sabihing sila'y kanyang idinadalangin, inilahad ni Pablo na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay "sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas" (1:17). Ipinaliwanag niya na ang lahat ng tao, maging Judio o Hentil, ay kailangang mapawalang-sala ng Diyos, sapagkat ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. At ang pagpapawalang-salang ito ay mangyayari lamang kung ang mga tao'y sasampalataya kay Cristo Jesus.

               Kasunod nito, inilalarawan ni Pablo ang bagong kaugnayan ng tao sa Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Ang mananampalataya ay naibalik na sa Diyos, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay lumaya na mula sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan. Sa kabanatang 5--8, tinatalakay rin ni Pablo ang layunin ng Kautusan at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa buhay ng mananampalataya. Ipinaliwanag niya kung paanong ang mga Judio at ang mga Hentil ay nasasaklaw ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa pagwawakas, sinabi niya na ang pagtatakwil ng mga Judio kay Jesus ay nakapaloob sa layunin ng Diyos na sa pamamagitan ng pagtatakwil na iyon, ang pagliligtas ng Diyos ay nakaabot sa lahat ng tao, pati sa mga hindi Judio. Ngunit naniniwala si Pablo na pansamantala lamang ang pantangging ito ng mga Judio kay Jesus.

               Sa huling bahagi ng sulat, inilalahad niya ang nararapat na pamumuhay ng Cristiano, lalo na ang tungkol sa pagmamahalan. Pinaliwanag rin dito ni Pablo ang tungkol sa paglilingkod sa Diyos, ang tungkulin ng mga Cristiano sa kanilang pamahalaan at sa isa't isa. Tinalakay din niya ang mga katanungang may kinalaman sa mga pagkain at ang tungkol sa Araw ng Pamamahinga, na ikinatitisod ng ilang mga kapatiran sa Roma. Nagwawakas ang sulat sa mga pagbating personal at pagpupuri sa Diyos.

Nilalaman:
Panimula at paksa 1:1-17;
Kailangan ng tao ang kaligtasan 1:18---3:20;
Ang paraan ng pagliligtas ng Diyos 3:21---4:25;
Ang bagong buhay na kaugnay ni Cristo 5:1---8:39;
Ang Israel sa plano ng Diyos 9:1---11:36;
Ang ugaling Cristiano 12:1---15:13;
Pagwawakas at pansariling pagbati 15:14---16:27

Roma 1: 1-32

               1 Mula kay Pablo na isang alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.

               2 Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David. At tungkol naman sa Espiritu ng kabanalan, ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. 5 Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. 6 Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.

               7 Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pagnanais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
               8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. 9 Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa niyang ako'y makapunta riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo upang maibahagi sa inyo ang mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. 12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.

               13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais kong makahikayat din diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga bansang Hentil. 14 May pananagutan ako sa lahat: sa mga sibilisado at sa mga barbaro, sa marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
               16 Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat ipinapakita ng Magandang Balita kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang isang tao; at ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, "Ang itinuring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay." a

Mga Kasalanan ng Sangkatauhan
               18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20 Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21 Kahit na alam nilang may Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23 Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang.

               24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.

               26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. 27 Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.

               28 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, b kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, 30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos, c walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito, ngunit patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba ay gumagawa rin ng ganoon.


Roma 2: 1-29

Matuwid ang Hatol ng Diyos
               1 Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. 2 Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. 3 Akala mo ba'y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? 4 O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin!

               Hindi mo ba alam na napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan? 5 Ngunit sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. 6 Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. 8 Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. 9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. 10 Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego 11 sapagkat walang itinatangi ang Diyos.

               12 Ang lahat ng nagkakasala na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises ay paparusahan, ngunit hindi batay sa Kautusang iyon. Subalit ang lahat naman ng nagkakasala na saklaw ng Kautusan ay hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.

               14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.

               16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, mangyayari ito sa araw na ang mga lihim ng lahat ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus. a

Ang mga Judio at ang Kautusan
               17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at ang mabubuting bagay, sapagkat itinuro ito sa iyo ng Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, hindi ka ba nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, hindi ka ba nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, ngunit pumapasok ka pa sa mga templo nito makapagnakaw lamang! 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Sapagkat nasusulat, "Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo."

               25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan, ngunit hindi naman tumutupad, ay hahatulan ng mga hindi tuling tumutupad sa Kautusang iyan. 28 Sapagkat ang isang tao ay hindi nagiging Judio dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa siya ay tinuli sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang taong iyon ay pararangalan ng Diyos at hindi ng tao.


Roma 3: 1-31

               1 Kung gayon, paanong nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? 2 Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga mensahe ng Diyos. 3 Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? 4 Hinding-hindi! Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,

"Upang kilalanin kang matuwid sa iyong mga salita,
at manaig ka kung hahatulan ka na."

               5 Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) 6 Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?

               7 Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? 8 Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, "Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga noon?" Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.

Walang Sinumang Matuwid
               9 Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti a kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad na nga ng aming sinabi, ang lahat ng tao ay makasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon sa nasusulat,

"Walang matuwid, wala kahit isa.

11 Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos.

12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa."

13 "Parang bukas na libingan ang kanilang lalamunan;
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
Ang labi nila'y may kamandag ng ahas."

14 "Puno ng pagmumura at masasamang salita ang kanilang bibig."

15 "Sila'y tumatakbo upang pumatay ng kapwa.

16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,

17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan."

18 "Hindi sila marunong matakot sa Diyos."

               19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala.

Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao
               21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano pinapawalang-sala ng Diyos ang tao. Hindi ito sa pamamagitan ng Kautusan; ang Kautusan at ang mga Propeta mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Pinapawalang-sala ng Diyos ang lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio man o Hentil. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob, sila ay pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid. Noong unang panahon, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay tuwirang ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at siya ang nagpapawalang-sala sa mga sumasampalataya kay Jesus.

               27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya mapapawalang-sala ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya tatanggapin ang mga Judio at mga Hentil dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya. 31 Pinapawalang saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.

Roma 4: 1-25

Ang Halimbawa ni Abraham
               1 Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? 2 Kung pinawalang-sala siya ng Diyos dahil sa mga mabubuting nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. 3 Ano ang sinasabi ng kasulatan? "Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos; at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid." 4 Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. 5 Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. 6 Kaya't tinawag ni David na mapalad ang taong itinuring na matuwid ng Diyos nang di dahil sa sarili nitong nagagawa. Sinabi niya,

7 "Mapalad ang mga taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.

8 Mapalad ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon
sa kanyang mga kasalanan."

               9 Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 10 Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos. 11 Tinuli siya bilang tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos, dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y pinawalang-sala rin kahit hindi sila tinuli. 12 At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumampalataya ring tulad ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin.

Nakamtan ang Pangako Dahil sa Pananampalataya
               13 Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos. 14 Kung ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos. 15 Ang Kautusan ay may kalakip na poot ng Diyos para sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag.

               16 Kaya nga't sa pananampalataya nababatay ang pangako, upang ito'y maibigay bilang walang bayad na kaloob para sa lahat ng anak ni Abraham; hindi lamang sa mga saklaw ng Kautusan, kundi sa lahat ng sumasampalataya rin tulad ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat, 17 gaya ng nasusulat, "Ginawa kitang ama ng maraming bansa." Ang pangakong ito'y may bisa sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na hindi pa nalilikha. 18 Kahit wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, "Sindami ng mga bituin ang iyong magiging lahi." 19 Hindi nanghina ang kanyang pananampalataya kahit uugud-ugod na siya, palibhasa'y isandaang taon na siya noon, at ang kanya namang asawang si Sara ay baog. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang tumibay sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos. 21 Lubos siyang naniniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito. 22 Kaya't dahil sa kanyang pananampalataya, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid. 23 Ang salitang "itinuring na matuwid" ay hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para sa atin din naman. Tayo rin ay pawawalang-sala, kung tayo'y sumasampalataya sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Siya'y ipinapatay dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala.

Roma 5: 1-21

Mga Bunga ng Pagtanggap ng Diyos
               1 Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan ng pagsampalataya a kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian. 3 Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa. 5 At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

               6 Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. 8 Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. 9 Kaya't sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, at tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. 10 Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buhay. 11 At hindi lamang iyan! Tayo'y nagagalak at nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo bilang mga kaibigan ng Diyos.

Si Adan at si Cristo
               12 Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi ituturing na kasalanan. 14 Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos.

               Si Adan ay anyo ng isang darating. 15 Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang libreng kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang libreng kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. 16 Ang kaloob na ito ay higit na di hamak kaysa sa ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawa ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawa ang maraming pagsuway. 17 Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay.

               18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. 19 Sapagkat kung ang lahat ay naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, ang lahat ay mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isa ring tao.

               20 Nang magkaroon ng Kautusan, dumami ang pagsuway; ngunit sa pagdami naman ng mga pagsuway ay lalong sumagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong naghari ang kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin naman maghahari ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala. Ito'y magdudulot ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Roma 6: 1-23

Patay sa Kasalanan Ngunit Buhay Dahil kay Cristo
               1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? 2 Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? 3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? 4 Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.

               5 Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. 6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. 7 Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. 8 Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Alam nating si Cristo nang muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay dahil sa Diyos. 11 Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buhay naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.

               12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na kayo maalipin ng masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y hindi na namumuhay sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran
               15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil hindi na tayo saklaw ng kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa katuwiran? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, ilaan ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.

               20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.




Roma 7: 1-25

Wala na sa Ilalim ng Kautusan
               1 Mga kapatid, kayo'y nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. 2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. 3 Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. 4 Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan dahil kayo'y bahagi ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. 5 Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa atin na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. 6 Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi dahil sa lumang batas na nakasulat, kundi dahil sa bagong buhay ng Espiritu.

Ang Kautusan at ang Kasalanan
               7 Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung ano ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan, "Huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba." 8 Ngunit dahil sa kautusan, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang kautusan. 9 Noong una, namuhay ako nang walang kautusan. Subalit nang dumating ang kautusan, nabuhay ang kasalanan 10 at ako'y namatay. Ang kautusang dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang kautusan upang ako'y dayain, at sa gayon, ay napatay nga ako ng kasalanan.

               12 Kaya nga, banal ang Kautusan at ang bawat utos ay banal, matuwid, at mabuti. 13 Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag, sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.

Ang Hilig ng Laman at Tuntunin ng Isip
               14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan. 15 Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang nananatili sa akin. 18 Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawa ang mabuting ninanais ko. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. 20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

               21 Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapit sa akin. 22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. 23 Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan. 24 Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? 25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Pangino- on! Salamat sa kanya!

               Ito nga ang kalagayan ko: sa aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking katawang makalaman, pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.









Roma 8: 1-39

Pamumuhay Ayon sa Espiritu
               1 Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. 2 Wala na ako a sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng kapangyarihan ng Espiritung nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 3 Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang panuntunan ng Kautusan ay matupad na sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

               5 Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. 6 Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. 8 At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

               9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil nananahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buhay sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

               12 Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng "Ama, Ama ko!" 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Sasaatin
               18 Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nanabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag- asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At hindi lamang ito, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang paglaya ng ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.

               26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga hinirang, ayon sa kalooban ng Diyos.

               28 Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, b silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging tulad ng kanyang Anak. Sa gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. 30 Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ng Diyos
               31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol na sila'y parusahan? Si Cristo Jesus na pinatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin. 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon sa nasusulat,

"Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay."

               37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.



Roma 9: 1-33

Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel
               1 Ako'y nagsasabi ng totoo sapagkat ako'y tagasunod ni Cristo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi, sa patnubay ng Espiritu Santo, ay nagpapatunay na nagsasabi ako ng totoo. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mawalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. 4 Sila'y mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang kanyang mga pangako. 5 Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman! a Amen.

               6 Hindi nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. 7 At hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, "Ang magmumula lamang kay Isaac ang ibibilang na lahi mo." 8 Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat ganito ang pangako, "Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara."

               10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, "Maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid." 13 Ayon nga sa nasusulat, "Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau."

               14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, "Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan." 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, "Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig." 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at nagiging manhid ang nais niyang maging manhid.

Ang Poot at Habag ng Diyos
               19 Sasabihin mo naman sa akin, "Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?" 20 Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, "Bakit ninyo ako ginawang ganito?" 21 Wala bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?

               22 Kaya, kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,

"Ang dating hindi ko bayan
ay tatawaging 'Bayan ko,'
at ang dating hindi ko mahal
ay tatawaging 'Mahal ko.'

26 At sa mga sinabihang 'Kayo'y hindi ko bayan,'
sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buhay."

               27 Ito naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, "Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang sa kanila ang maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig." 29 Si Isaias din ang nagsabi, "Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra."

Ang Israel at ang Magandang Balita
               30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos ay pinawalang-sala niya sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad ng nasusulat,

"Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na kanilang kadadapaan.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay di mabibigo."




Roma 10: 1-21

               1 Mga kapatid, ang pinakananais ko at idinadalangin sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. 2 Sapagkat saksi akong sila'y nagsisikap na maging kalugud-lugod sa Diyos. Mali nga lamang ang kanilang naging batayan. 3 Dahil hindi nila kinilala ang katuwirang mula sa Diyos, at nagsisikap silang gumamit ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila sumunod sa pamamaraang itinakda ng Diyos. 4 Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang mapawalang-sala ang sinumang sumasampalataya sa kanya.

Ang Kaligtasan ay Para sa Lahat
               5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, "Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito." 6 Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, "Huwag mong sabihin sa iyong sarili, 'Sino ang aakyat sa langit?'" na para bang nais pababain si Cristo. 7 "Huwag mo ring sabihin, 'Sino ang bababa sa kailaliman?'" na para bang nais pabangunin si Cristo mula sa mga libingan. 8 Sapagkat ganito ang sinasabi, "Malapit sa iyo ang kautusan, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso." Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay pinapawalang-sala ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi nga ng kasulatan, "Walang sinumang sumasampalataya sa kanya ang mapapahiya." 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil sinasabi sa kasulatan, "Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon."

               14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, "O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga may dalang Magandang Balita!" 16 Ngunit hindi lahat ay tumanggap sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, "Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?" 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.

               18 Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,

"Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig."

               19 Ito pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises,

"Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa upang kayo'y inggitin, gagamitin ko ang isang bansang hangal upang kayo'y galitin."

20 Buong tapang namang ipinahayag ni Isaias, "Natagpuan ako ng mga hindi naghahanap sa akin. Nagpahayag ako sa mga hindi nag-uusisa tungkol sa akin."

21 Subalit tungkol naman sa Israel ay sinabi niya, "Buong maghapong nakaunat ang aking mga kamay sa isang bansang suwail at rebelde!"



Roma 11: 1-36

Kinahabagan ng Diyos ang Israel
               1 Ito ngayon ang tanong ko: Itinakwil na nga kaya ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Ako'y isang Israelita rin, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. 3 Sinabi niya, "Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!" 4 Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? "Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal." 5 Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6 At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang siyang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.

               7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito dahil matigas ang ulo ng iba. 8 Tulad ng nasusulat:

"Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
mga matang hindi makakita
at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito."

9 At sinabi rin ni David,
"Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
isang katitisuran at parusa sa kanila.

10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
at sila'y makuba sa hirap habang buhay."

               11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mawasak? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik loob sa Diyos ang buong Israel!

Ang Kaligtasan ng mga Hentil
               13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol ninyo, ipinagmamalaki ko ang aking tungkulin. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang maibalik sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!

               16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.

               19 Sasabihin mo naman, "Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong." 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya sa Diyos, at ikaw naman ay idinugtong dahil sumampalataya ka sa kanya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22 Dito'y makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. 23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na salungat ang ganoon sa takbo ng kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga tunay na sanga nito.

Nahahabag ang Diyos sa Lahat
               25 Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay pansamantala. Tatagal lamang iyon hanggang sa mabuo na ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. 26 Kapag nangyari iyon, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat:

"Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas.
Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.

27 At ito ang gagawin kong kasunduan namin
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan."

               28 Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. 30 Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. 31 Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila ngayon a ang kanyang habag. 32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.

Papuri sa Diyos
               33 Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,

34 "Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang maaaring maging tagapayo niya?

35 Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
na dapat niyang bayaran?"

               36 Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.


Roma 12: 1-21

Pamumuhay Cristiano
               1 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba a ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.

               3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ng gawain ang bawat isa, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.

               9 Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatiran at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.

               14 Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha. b

               17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal. 18 Hangga't maaari, makisama kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, "Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon." 20 Subalit, "Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo." c 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.


Roma 13: 1-14

Paggalang sa Pamahalaan
               1 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. 2 Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinakda ng Diyos; at sila'y paparusahan. 3 Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. 4 Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.

               6 Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. 7 Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.

Mga Tungkulin sa Kapwa
               8 Huwag kayong magkakaroon ng utang kaninuman, maliban sa saguting magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. 9 Ang mga utos gaya ng, "Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;" at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili." 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang siyang katuparan ng Kautusan.

               11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. 14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.



Roma 14: 1-23

Huwag Hatulan ang Inyong Kapatid
               1 Tanggapin ninyo ang mahihina sa pananampalataya, at huwag hatulan ang kanilang pananampalataya. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. 3 Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At aariin naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.

               5 May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa na tama ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. 7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa kanyang sarili lamang. 8 Kung tayo'y nabubuhay, sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buhay. 10 Ngunit ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat nasusulat,

"Sabi ng Panginoon, 'Dahil ako'y buhay,
ang lahat ay luluhod sa harap ko,
at ang bawat dila'y magpupuri sa Diyos.'"

               12 Kaya, pananagutan natin sa Diyos a ang mga bagay na ating ginagawa.

Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala ng Iba
               13 Huwag na nating hatulan ang isa't isa. Huwag na rin tayong maging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Kung sinuman ang naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong tama ay huwag masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa katuwiran, kapayapaan, at kagalakan na kaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpatibay ng pananampalataya ng isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain ang gawain ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Mapalad ang taong di sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Kasalanan ang paglabag sa sariling paniniwala.


Roma 15: 1-33

Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili
               1 Tayong malalakas sa pananampalataya, tulungan natin ang mga mahihina sa pananampalataya. Huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating iisipin. 2 Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya. 3 Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, "Ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan." 4 Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa. 5 Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus, 6 upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Magandang Balita ay Para rin sa mga Hentil
               7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, 9 at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,

"Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin."

               10 Sinabi rin,

"Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!"

               11 At muling sinabi,

"Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!"

               12 Idinagdag pa ni Isaias,

"May isisilang sa angkan ni Jesse,
upang ito'y maghari sa mga Hentil;
siya ang kanilang magiging pag-asa."

               13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo
               14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at may sapat na kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus bilang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal na ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa mga gawaing patungkol sa Diyos, ang aking ipinagmamalaki ay si Cristo Jesus. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ko, sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. ñ Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na wala pang alam tungkol kay Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit tulad ng nasusulat,

"Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya."

Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma
               22 Iyan ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. 25 Ngunit sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. 27 Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. 28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. 29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.

               30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. 31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. 32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos, a masaya akong makakarating diyan at makakapagpahinga sa inyong piling. 33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.










Roma 16: 1-27

Mga Pangungumusta
               1 Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat nating gawin bilang magkakapatid. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.

               3 Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. 5 Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.

               Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. 6 Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. 7 Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia, a na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol b at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.

               8 Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, 9 kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.

               12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na tapat na naglingkod sa Panginoon. 13 Binabati ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at sa lahat ng kapatid na kasama nila.

               16 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. c Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin
               17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa mga aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod para kay Cristo na Panginoon natin, kundi para sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Kahit na balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at maging mangmang sa mga bagay na masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan. Malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.

               Pagpalain kayo ng ating Panginoong Jesus.

               21 Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.

               22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon.

               23-24 Kinukumusta kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. d

Pangwakas na Pagpupuri
               25 Purihin ang Diyos na makakapagpatibay sa inyong pananampalataya sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang nalihim sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumampalataya at sumunod sa kanya.

               27 At ngayon sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, purihin natin ang iisang Diyos, ang ganap na nakakaunawa sa lahat ng bagay! Amen. e

























No comments:

Post a Comment