Wednesday, October 7, 2015

Ang Magandang Balita ayon kay Lucas

Ang Magandang Balita ayon kay Lucas

Panimula:
               Ipinapakilala ng Magandang Balita ayon kay Lucas na si Jesus ang ipinangakong Tagapagligtas ng Israel at ng buong sangkatauhan. Ayon sa Aklat ni Lucas, si Jesus ay hinirang ng Espiritu ng Panginoon upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita (4:18-19). Kaya't kapansin-pansin na sa aklat na ito'y ipinapahayag ang matinding malasakit ng Diyos para sa kanila. Sa ganitong paraan, lalong nabigyang-diin ng may akda ang kahalagahan ng Magandang Balita para sa mga mahihirap at naaapi.

               Nangingibabaw din sa aklat na ito ang kagalakan lalung-lalo na sa mga unang kabanata na nagsasalaysay tungkol sa kapanganakan ni Jesus, at sa mga huling kabanata na nagsasalaysay naman tungkol sa pag-akyat ni Jesus sa langit. Ang sumulat ng aklat na ito ay siya ring sumulat ng aklat ng Mga Gawa, na naglalahad naman ng paglago at paglaganap ng pananampalatayang Cristiano matapos umakyat sa langit si Jesus.

               Dito lamang sa aklat na ito matatagpuan ang mga salaysay tulad ng pagpupuri ng mga anghel at ang pagdalaw ng mga pastol nang ipinanganak si Jesus, ang salaysay tungkol sa batang si Jesus sa loob ng Templo, ang mga talinhaga tungkol sa mabuting Samaritano, at sa anak na naligaw ng landas. Binigyan din ng matinding diin sa aklat na ito ang kahalagahan ng panalangin, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang bahaging ginampanan ng mga kababaihan sa ministeryo ni Jesus, at ang pagpapatawad ng Diyos sa mga makasalanan.

               Kapansin-pansin sa aklat na ito ang kakaibang pagpapahalaga ng may akda para sa mga mahihirap at inaapi. Ipinapakita nito na si Jesus ay naglaan ng kakaibang pakikitungo at pagmamahal para sa kanila.


  Lucas 1: 1-80

Paghahandog
               1 Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. 2 Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita. 3 Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo 4 upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.

Ang Pahayag Tungkol sa Pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo
               5 Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron. 6 Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na.

               8 Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. 9 Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon."

               18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa."

               19 Sumagot ang anghel, "Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito."

               21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

               23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elisabet, "Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!"

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus
Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus guhit ni Gustave Dore   Lucas 1:26-28 - Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"
               26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"

               29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

               34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

               35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

               38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet
               39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!"

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria
46 At sinabi ni Maria,
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,

47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,

48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;

49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.

Siya'y banal!

50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.

51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.

52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.

54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.

55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"

56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
               57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon.

               59 Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elisabet, "Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya."

               61 "Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan," tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.

               63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, "Juan ang pangalan niya." Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, "Magiging ano kaya ang batang ito?" Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon.

Ang Awit ni Zacarias
67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo,
at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:

68 "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.

69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.

70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.

72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.

73 Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,

75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,

77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.

79 Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan."

               80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.


  Lucas 2: 1-52

Ang Pagsilang ni Jesus
(Mateo 1:18-25)
               1 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala.

               4 Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel
               8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban."

               13 Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

               14 "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"

Pagdalaw ng mga Pastol kay Jesus na Bagong Silang guhit ni Gustave Dore   Lucas 2:15-16 - Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap- usap, "Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon." Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.
               15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap- usap, "Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon." 16 Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

               20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.

Pinangalanan si Jesus
               21 Pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.

Dinala si Jesus sa Templo
               22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

               25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

               33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."

               36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret
               39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo
Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo kasama ng Mga Guro guhit ni Gustave Dore   Lucas 2:46-47 - Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan.
               41 Taun-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Maghapon na silang nakapaglakbay na inaakalang kasama nila ang bata ngunit napansin nilang wala pala siya. Siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, "Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo."

               49 Sumagot si Jesus, "Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?" a 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

               51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.



  Lucas 3: 1-38

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo
(Mateo 3:1-12)(Marcos 1:1-8)(Juan 1:19-28)
               1 Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. 2 Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, 3 kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, "Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos." 4 Sa gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

"Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!

5 Matatambakan ang bawat libis,
at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Matutuwid ang daang liku-liko,
at mapapatag ang daang baku-bako.

6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!'"

               7 Marami ngang tao ang nagsilapit kay Juan upang magpabautismo. Ngunit sinabi niya sa kanila, "Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa kaparusahang darating? 8 Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi na kayo, at huwag ninyong idahilan na mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. 9 Ngayon pa ma'y nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy."

               10 Tinanong siya ng mga tao, "Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?"

               11 Sumagot siya sa kanila, "Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain."

               12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, "Guro, ano po ang dapat naming gawin?"

               13 "Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin," tugon niya.

               14 Tinanong din siya ng mga kawal, "At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?"

               "Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo," sagot niya.

               15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, "Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman."

               18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. 19 Si Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. 20 Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes.

Binautismuhan si Jesus
(Mateo 3:13-17)(Marcos 1:9-11)
               21 Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit 22 at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang narinig nila, "Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan."

Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesus
(Mateo 1:1-17)
               23-27 aMagtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang magministeryo. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Ang kanyang mga ninuno ay sina Eli, Matat, Levi, Melqui, Janai, Jose, Matatias, Amos, Nahum, Esli, Nagai, Maat, Matatias, Semei, Josec, Joda, Joanan, Resa, Zerubabel. 27b-31 Sina Salatiel, Neri, Melqui, Adi, Cosam, Elmadam, Er, Josue, Eliezer, Jorim, Matat, Levi, Simeon, Juda, Jose, Jonam, Eliaquim, Melea, Menna, Matata, Natan. 32-34a Sina David, Jesse, Obed, Boaz, Salmon, Naason, Aminadab, Admin, Arni, Esrom, Farez, Juda, Jacob, Isaac. 34b-38 Abraham, Terah, Nahor, Serug, Reu, Peleg, Eber, Sala, Cainan, Arfaxad, Shem, Noe, Lamec, Matusalem, Enoc, Jared, Mahalaleel, Kenan, Enos, Set, at si Adan na anak ng Diyos.


  Lucas 4: 1-44

Ang Pagtukso kay Jesus
(Mateo 4:1-11)(Marcos 1:12-13)
               1 Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang 2 sa loob ng apatnapung araw, at doon siya'y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.

               3 Sinabi sa kanya ng diyablo, "Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito."

               4 Ngunit sinagot ito ni Jesus, "Nasusulat, 'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay.' a

Ang Pagtukso kay Jesus guhit ni Gustave Dore   Lucas 4:7-8 - Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging sa iyo na ang lahat ng ito." Sumagot si Jesus, "Nasusulat, 'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.' "
               5 Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa ilang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. 6 Sinabi ng diyablo, "Ibibigay ko sa iyo ang pamamahala sa lahat ng kahariang ito at ang kadakilaan nito. Ipinagkaloob ito sa akin, at maibibigay ko sa kaninumang naisin ko. 7 Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging sa iyo na ang lahat ng ito."

               8 Sumagot si Jesus, "Nasusulat,

'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.' "

               9 Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, "Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil nasusulat,

'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,'

          11 at

'Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.'"

               12 Subalit sinagot siya ni Jesus, "Nasusulat, 'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!'"

               13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.

Ang Pasimula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea
(Mateo 4:12-17)(Marcos 1:14-15)
               14 Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. 15 Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret
(Mateo 13:53-58)(Marcos 6:1-6)
               16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, 17 at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 "Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,

19 at upang ipahayag na darating na ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon."

               20 Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, "Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon."

               22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" tanong nila.

               23 Kaya't sinabi ni Jesus, "Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, 'Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili!' Marahil, sasabihin pa ninyo, 'Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.' 24 Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa dinami- dami ng mga may ketong b sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria."

               28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu
(Marcos 1:21-28)
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu guhit ni Gustave Dore   Lucas 4:36-37 - Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, "Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!" At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
               31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 "Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos."

               35 Subalit inutusan siya ni Jesus, "Tumahimik ka, lumayas ka sa taong iyan!" At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, umalis ang demonyo ng hindi siya sinasaktan.

               36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, "Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!" 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao
(Mateo 8:14-17)(Marcos 1:29-34)
               38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

               40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa Judea
(Marcos 1:35-39)
               42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo." 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.



  Lucas 5: 1-39

Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad
(Mateo 4:18-22)(Marcos 1:16-20)
Si Jesus Nangangaral sa tabi ng Lawa ng Genesaret guhit ni Gustave Dore   Lucas 5:3 - Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
               1 Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. 3 Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

               4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, "Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli."

               5 Sumagot si Simon, "Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat." 6 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. 7 Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. 8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, "Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan."

               9 Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, "Huwag ka nang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin."

               11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin
(Mateo 8:1-4) (Marcos 1:40-45)
               12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, "Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis."

               13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, "Nais kong gumaling ka at luminis!" At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan siya ni Jesus, "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na."

               15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.

Pinagaling ang Isang Paralitiko
(Mateo 9:1-8) (Marcos 2:1-12)
               17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo sa di-kalayuan. Sila'y galing sa lahat ng bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinaba sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Kaibigan, pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan."

               21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, "Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?"

               22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, 'Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan,' o 'Tumayo ka at lumakad'? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!" 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sila'y namangha at nagsabi, "Kahanga-hanga ang mga bagay na nasaksihan natin ngayon!"

Ang Pagtawag kay Levi
(Mateo 9:9-13)(Marcos 2:13-17)
               27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod at naglingkod kay Jesus.

               29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, "Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?"

               31 Sinagot sila ni Jesus, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi."

Katanungan Tungkol sa Pag-aayuno
(Mateo 9:14-17)(Marcos 2:18-22)
               33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: "Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Bakit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at paginom?"

               34 Sumagot si Jesus, "Dapat bang magayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? 35 Darating ang araw na kukunin na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno."

               36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga, "Walang sumisira ng bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Wala ring magkakagustong uminom ng bagong alak kapag nakainom na ng lumang alak, sapagkat sasabihin niya, 'Mas masarap ang lumang alak.'"





  Lucas 6: 1-49

Katanungan Tungkol sa Araw ng Pamamahinga
(Mateo 12:1-8)(Marcos 2:23-28)
               1 Isang Araw ng Pamamahinga, a nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay. 2 "Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?" tanong ng ilang Pariseo.

               3 Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? 4 Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama." 5 At sinabi pa ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga."

Ang Taong Paralisado ang Kamay
(Mateo 12:9-14)(Marcos 3:1-6)
               6 Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. 8 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito sa unahan." Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, "Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?" 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay!" Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

               11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat nilang gawin kay Jesus.

Pinili ang Labindalawa
(Mateo 10:1-4)(Marcos 3:13-19)
               12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus
(Mateo 4:23-25)
               17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.

Ang Mapalad at ang Kahabag-habag
(Mateo 5:1-12)
               20 Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,

"Mapalad kayong mga mahihirap,
sapagkat kayo'y paghaharian ng Diyos!

21 "Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,
sapagkat kayo'y bubusugin ng Diyos!
"Mapalad kayong mga tumatangis ngayon,
sapagkat kayo'y bibigyang kagalakan!

               22 "Mapalad kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinagbibintangang kayo ay masama. 23 Magalak kayo at tumalon sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 "Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,
sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.

25 "Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
sapagkat kayo'y magugutom!
"Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!

               26 "Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta."

Ang Pag-ibig sa Kaaway
(Mateo 5:38-48)(Mateo 7:12a)
               27 "Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

               32 "Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga nagmamabuti lamang sa inyo ang inyong gagawan ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama."

Ang Paghatol sa Kapwa
(Mateo 7:1-5)
               37 "Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo paparusahan ng Diyos. Patawarin ninyo ang inyong kapwa at kayo'y patatawarin din ng Diyos. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo."

               39 Tinanong sila ni Jesus nang patalinhaga, "Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! 40 Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro.

               41 "Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mong masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,' gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid."

Sa Bunga Makikilala ang Puno
(Mateo 7:16-20)(Mateo 12:33-35)
               43 "Walang mabuting punongkahoy ang namumunga ng masama, at wala ring masamang puno ang namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong tigib ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi."

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay
(Mateo 7:24-27)
               46 "Bakit ninyo ako tinatawag ng 'Panginoon, Panginoon,' gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak."


Lucas 7: 1-50

Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano
(Mateo 8:5-13)
               1 Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. 2 Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. 3 Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. 4 Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, "Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo 5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga."

               6 Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: "Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, 7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, 'Pumunta ka roon!' pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa niya iyon."

               9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, "Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya."

               10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.

Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda
               11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, "Huwag ka nang umiyak." 14 Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, "Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!"

               15 Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

               16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, "Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!"

               17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo
(Mateo 11:2-19)
               18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon a upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, "Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba." 21 Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin. 22 Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 23 Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"

               24 Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, "Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:

               'Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo, upang ihanda ang iyong daraanan.'

               28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa mga pinaghaharian ng Diyos."

               29 Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila.

               31 Sinabi pa ni Jesus, "Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

'Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!'

               33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, 'Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!' 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, 'Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!' 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon."

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus
               36 Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag. 37 Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, "Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan."

               40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, "Simon, may sasabihin ako sa iyo."

               "Ano po iyon, Guro?" sagot niya.

               41 Kaya't nagpatuloy si Jesus, "May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?"

               43 Sumagot si Simon, "Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang."

               "Tama ang sagot mo," tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, "Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal."

               48 At sinabi niya sa babae, "Pinatawad na ang iyong mga kasalanan."

               49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, "Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?"

               50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, "Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na."





  Lucas 8: 1-56

Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus
 Maria Magdalena guhit ni Gustave Dore   Lucas 8:2 - At ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena na may pitong demonyong pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito.
               1 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa 2 at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena na may pitong demonyong pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito, 3 si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Sarili nilang salapi ang kanilang ginastos para sa pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.

Ang Talinhaga Tungkol sa Manghahasik
(Mateo 13:1-9)(Marcos 4:1-9)
               4 Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumalapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinhagang ito:

               5 "Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ito ng mga tao at tinuka ng mga ibon. 6 May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo ito, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. 7 May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. 8 Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tigsasandaang butil."

               At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, "Makinig ang may pandinig!"

Ang Layunin ng mga Talinhaga
(Mateo 13:10-17)(Marcos 4:10-12)
               9 Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. 10 Sumagot si Jesus, "Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y nagsasalita ako sa pamamagitan ng talinhaga. Nang sa gayon,

'Tumingin man sila'y hindi sila makakita;
at makinig man sila'y hindi sila makaunawa.'"

Ang Paliwanag Tungkol sa Talinhaga
(Mateo 13:18-23)(Marcos 4:13-20)
               11 "Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't dumating ang pagsubok, sila'y tumiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga."

Ang Talinhaga Tungkol sa Ilaw
(Marcos 4:21-25)
               16 "Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 17 Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.

               18 "Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati na ang inaakala niyang nasa kanya."

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
(Mateo 12:46-50)(Marcos 3:31-35)
               19 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, "Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makipagkita sa inyo."

               21 Ngunit sinabi ni Jesus, "Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang siya kong ina at mga kapatid."

Pinatigil ang Bagyo
(Mateo 8:23-27)(Marcos 4:35-41)
               22 Isang araw, si Jesus kasama ang kanyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila, "Tumawid tayo sa ibayo." At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na bagyo at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. "Panginoon, lumulubog na po tayo!" sabi nila.

               Bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at ang malalakas na alon. Tumahimik naman ang mga ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, "Nasaan ang inyong pananampalataya?"

               Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, "Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!"

Ang Pagpapagaling sa Geraseno
(Mateo 8:28-34)(Marcos 5:1-20)
               26 Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno, a katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. 27 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan ito namamalagi. 28 Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, "Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!" 29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.

               30 Tinanong siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?"

               "Pulutong," sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. 31 Nagmamakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.

               32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. 33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang sumibad ng takbo at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.

               34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. 35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. 36 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. 37 Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. 38 Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.

               Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, 39 "Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos."

               Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Babaing Cananea
(Mateo 9:18-26)(Marcos 5:21-43)
               40 Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. 41 Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo.

               Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. 43 Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. Naubos na ang kanyang kabuhayan dahil sa pagpapagamot. b 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, "Sino ang humawak sa damit ko?"

               Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, "Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!"

               46 Ngunit sinabi ni Jesus, "May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin."

Binuhay ni Jesus ang Anak ni Jairo guhit ni Gustave Dore   Lucas 8:52-54 - Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang patay. Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang." Kinutya nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, "Ineng, bumangon ka."
               47 Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling.

               48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Makakauwi ka na."

               49 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. "Patay na po ang inyong anak!" sabi niya kay Jairo. "Huwag na po ninyong abalahin ang Guro."

               50 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, "Huwag ka nang mag-alala. Manalig ka lamang at siya'y gagaling."

               51 Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. 52 Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang patay. Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang."

               53 Kinutya nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. 54 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, "Ineng, bumangon ka." 55 Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y bumangon. Pagkatapos, pinabigyan agad siya ni Jesus ng pagkain. 56 Gulat na gulat naman ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang pangyayaring ito.






  Lucas 9: 1-62

Isinugo ang Labindalawa
(Mateo 10:5-15)(Marcos 6:7-13)
               1 Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. 2 Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa paghahari ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. 3 Sila'y pinagbilinan niya, "Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, tinapay, salapi, o bihisan man. 4 Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 Kung hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila."

               6 Saan man sila mapunta, ipinapangaral nila ang Magandang Balita at pinapagaling nila ang mga maysakit.

Ang Pagkabalisa ni Herodes
(Mateo 14:1-12)(Marcos 6:14-29)
               7 Ang mga nangyayari ay nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. 8 Sinasabi naman ng iba, "Nagpakita si Elias." May nagsasabi pang, "Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay." 9 Ngunit sinabi ni Herodes, "Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya." Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo
(Mateo 14:13-21) (Marcos 6:30-44)(Juan 6:1-14)
               10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Tinuruan niya ang mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.

               12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi, "Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa ilang na lugar po tayo."

               13 Ngunit sinabi niya, "Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain."

               Sumagot naman ang mga alagad, "Wala po tayong pagkain kundi lilimang tinapay at dadalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?" 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.

               Sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu."

               15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus
(Mateo 16:13-19)(Marcos 8:27-29)
               18 Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, "Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?"

               19 Sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon."

               20 "Kayo naman, ano ang sabi ninyo?" tanong niya sa kanila. "Kayo po ang Cristo na sinugo ng Diyos!" sagot ni Pedro.

               21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.

Ipinahayag ni Jesus ang Tungkol sa Kanyang Kamatayan
(Mateo 16:20-28)(Marcos 8:30---9:1)
               22 Sinabi pa niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos."

               23 At sinabi niya sa kanilang lahat, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 24 Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili. 26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos."

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus
(Mateo 17:1-8)(Marcos 9:2-8)
               28 Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, 31 na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila'y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem.

               32 Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, "Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila'y natakot.

               35 Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, "Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. a Pakinggan ninyo siya!" 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu
(Mateo 17:14-18)(Marcos 9:14-27)
               37 Kinabukasan, bumaba sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, "Guro, pakitingnan nga po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas."

               41 Sumagot si Jesus, "Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?" At sinabi niya sa lalaki, "Dalhin ninyo rito ang iyong anak."

               42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
(Mateo 17:22-23)(Marcos 9:30-32)
               Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 "Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay pagtataksilan at mapapasailalim sa kapangyarihan ng mga tao." 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong kung anong ibig niyang sabihin.

Ang Pinakadakila
(Mateo 18:1-5)(Marcos 9:33-37)
               46 At nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang mapagpakumbaba sa inyong lahat ay siyang magiging pinakadakila."

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin
(Marcos 9:38-40)
               49 Sinabi ni Juan, "Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan."

               50 Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo."

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria
               51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil sa siya'y papunta sa Jerusalem. 54 Nang malaman ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, "Panginoon, payag po ba kayong paulanan namin sila ng apoy upang sila'y matupok?" b

               55 Ngunit bumaling si Jesus sa kanila at sila'y pinagsabihan. c 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus
(Mateo 8:19-22)
               57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, "Sasama po ako sa inyo kahit saan." 58 Sumagot si Jesus, "May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y walang sariling tahanan." 59 At sinabi naman niya sa isa, "Sumunod ka sa akin." Ngunit sumagot ang tao, "Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama." 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Hayaan mong mga patay ang magpalibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos." 61 May isa namang nagsabi sa kanya, "Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking mga kasambahay." 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, "Ang sinumang nag-aararo at palingun-lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos."


  Lucas 10: 1-42

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa
               1 Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. a Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, "Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. 3 Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. 5 Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' 6 Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. 7 Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. 8 Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, 'Malapit na kayong pagharian ng Diyos.' 10 Ngunit kung hindi kayo tanggapin sa isang bayan, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 'Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, nabigyan na kayo ng pagkakataong mapagharian ng Diyos!' 12 Sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma!"

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi
(Mateo 11:20-24)
               13 "Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 14 Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. 15 At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang sa langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay.

               16 "Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin."

Bumalik ang Pitumpu't Dalawa
               17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila sa Panginoon, "Kahit po ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil po sa kapangyarihan ng inyong pangalan."

           
               18 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasuko ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang inyong mga pangalan."

Nagalak si Jesus
(Mateo 11:25-27)(Mateo 13:16-17)
               21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. b Sinabi niya, "Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

               22 "Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama."

 Ang Mabuting Samaritano guhit ni Gustave Dore    Lucas 10:33 - Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa.
               23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, "Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig."

Ang Mabuting Samaritano
               25 Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. "Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" tanong niya.

               26 Sumagot si Jesus, "Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?"

               27 Sumagot ang lalaki, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'"

               28 Sabi ni Jesus, "Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan."

Dumating sa Panuluyan ang Mabuting Samaritano guhit ni Gustave Dore   Lucas 10:34-35 - Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'"
               29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, "Sino naman ang aking kapwa?"

               30 Sumagot si Jesus, "May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'"

 Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria guhit ni Gustave Dore    Lucas 10:41-42 - Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan.
               36 At nagtanong si Jesus, "Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?"

               37 "Ang taong tumulong sa kanya," tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Sige ganoon din ang iyong gawin."

Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria
               38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."

               41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. c Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."



  Lucas 11: 1-54

Itinuro ni Jesus ang Tamang Pananalangin
(Mateo 6:9-13)(Mateo 7:7-11)
               1 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,

'Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa'y maghari ka sa amin.

3 Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw. a

4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.'"

               5 Sinabi pa rin niya sa kanila, "Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, 'Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!' 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, 'Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng iyong kailangan.' 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!" ñ

Pinagbintangang si Jesus ay mula kay Beelzebul
(Mateo 12:22-30)(Marcos 3:20-27)
               14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, "Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo."

               16 May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. 17 At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, "Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

               21 "Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.

               23 "Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat."

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu
(Mateo 12:43-45)
               24 "Kapag umalis sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, 'Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.' 25 Sa pagbabalik niya ay matatagpuan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon."

Ang Tunay na Mapalad
               27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, "Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo."

               28 Ngunit sumagot siya, "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!"

Si Jesus ang Palatandaang Mula sa Langit
(Mateo 12:38-42)
               29 Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, "Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon."

Ang Ilaw ng Katawan
(Mateo 5:15)(Mateo 6:22-23)
               33 "Walang nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, o kaya'y ilagay sa ilalim ng malaking takalan. b Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 34 Ang iyong mata ang ilawan ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo."

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo
(Mateo 23:1-36)(Marcos 12:38-40)
               37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.

               42 "Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.

               43 "Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan."

               45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, "Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo."

               46 Sinagot naman siya ni Jesus, "Kahabaghabag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. 47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, 'Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.' 50 Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay.

               52 "Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok."

               53 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.






  Lucas 12: 1-59

Babala Laban sa Pagkukunwari
(Mateo 10:26-27)
               1 Samantala, dumaragsa ang libu libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo; sila ay mga mapagkunwari. 2 Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 3 Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.

Ang Dapat Katakutan
(Mateo 10:28-31)
               4 "Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!

               6 "Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi pinababayaan ng Diyos. 7 Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya."

Pagkilala kay Cristo
(Mateo 10:32-33)(Mateo 12:32) (Mateo 10:19-20)
               8 "Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.

               10 "Ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

               11 "Kapag kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga tagapamahala at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin."

Maling Pag-iipon ng Kayamanan
               13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, "Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid kong ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa aming mana."

               14 Sumagot siya, "Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?" 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan."

               16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. "Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, 'Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!'

               20 "Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, 'Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?' 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos."

Pananalig sa Diyos
(Mateo 6:25-34)
 Si Jesus Habang Nangangaral sa Karamihan guhit ni Gustave Dore    Lucas 12:29-31 - Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan."
               22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong pagkain para mabuhay o tungkol sa damit na ibibihis sa inyong katawan, 23 sapagkat ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang at unawain kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa kabila ng kanyang kayamanan, ay hindi nakapagdamit ng kasingganda ng isa sa kanila. 28 Kung dinaramtan ng Diyos ang mga damo sa parang na buhay ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan."

Ang Kayamanang Hindi Mawawala
(Mateo 6:19-21)
               32 "Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso."

Mga Aliping Laging Handa
               35 "Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."

Ang Tapat at Di Tapat na Alipin
(Mateo 24:45-51)
               41 Nagtanong si Pedro, "Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinhagang ito para sa amin o para sa lahat?"

               42 Sumagot ang Panginoon, "Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Mapalad ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, 'Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,' at dahil dito'y pagmamalupitan niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing. 46 Darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.

               47 "Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong maraming bagay."

Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan
(Mateo 10:34-36)
               49 "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

53 Ang ama laban sa anak na lalaki,
at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
at ang manugang na babae laban sa biyenang babae."

Pagkilala sa mga Palatandaan
(Mateo 16:2-3)
               54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, "Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?"

Makipagkasundo sa Kaaway
(Mateo 5:25-26)
               57 "Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang dapat ninyong gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ipag-utos ng hukom na ikaw ay ibilanggo. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo."







  Lucas 13: 1-35

Magsisi Upang Hindi Mapahamak
               1 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. 4 At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila."

Ang Talinhaga ng Puno ng Igos
               6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. "May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!' 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, 'Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.' "

Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba
               10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labing-walong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, "Magaling ka na sa iyong karamdaman." 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y naibalik ang dati niyang postura at nagsimula siyang magpuri sa Diyos.

               14 Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi nito sa mga tao, "May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling ng mga sakit at huwag sa Araw ng Pamamahinga."

               15 Sinagot siya ng Panginoon, "Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labing-walong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?" 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.

Ang Talinhaga ng Buto ng Mustasa
(Mateo 13:31-32)(Marcos 4:30-32)
               18 Sinabi ni Jesus, "Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpupugad sa mga sanga nito."

Ang Talinhaga ng Pampaalsa
(Mateo 13:33)
               20 Sinabi pa ni Jesus, "Saan ko ihahambing ang paghahari ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, a kaya't umaalsa ang buong masa."

Ang Makipot na Pintuan
(Mateo 7:13-14, 21-23)
               22 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, "Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?"

               Sinabi niya sa kanila, 24 "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, 'Panginoon, papasukin po ninyo kami.' Ngunit sasabihin niya sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala!' 26 Sasabihin naman ninyo, 'Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.' 27 Sasagot naman siya, 'Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!' 28 Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli."

Ang Pagmamahal ni Jesus Para sa Jerusalem
(Mateo 23:37-39)
               31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, "Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes."

               32 Subalit sumagot siya, "Sabihin ninyo sa lalaking iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.

               34 "Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo ko sa iyo! Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, 'Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!'"





  Lucas 14: 1-35

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas
               1 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. 2 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. 3 Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio, "Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?"

               4 Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. 5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang nahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?" 6 Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.

Pagmamataas at Pagpapakumbaba
               7 Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin ay ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila. 8 "Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo. 9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, 'Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?' Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, 'Kaibigan, dito ka sa kabisera,' mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas."

               12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, "Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga banal."

Ang Talinhaga ng Malaking Handaan
(Mateo 22:1-10)
               15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, "Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!"

               16 Sumagot si Jesus, "Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. 17 Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, 'Halina kayo, handa na ang lahat!' 18 Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, 'Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.' 19 Sinabi naman ng isa, 'Nakabili ako ng limang pares ng kalabaw at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.' 20 Sinabi naman ng isa, 'Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.'

               21 "Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, 'Magmadali kang pumunta sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lunsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.' 22 At sinabi ng alipin, 'Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.' 23 Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, 'Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. 24 Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!'"

Ang Pagiging Alagad
(Mateo 10:37-38)
               25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

               28 "Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, 'Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.'

               31 "O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.

Asin na Walang Alat
(Mateo 5:13)(Marcos 9:50)
               34 "Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? 35 Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!"








  Lucas 15: 1-32

Ang Nawala at Natagpuang Tupa
(Mateo 18:10-14)
               1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.

               4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi."

Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak
               8 "O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan."

Ang Nawala at Natagpuang Anak
 Bumalik ang Nawawalang Anak guhit ni Gustave Dore    Lucas 15:17 - Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom!
               11 Sinabi pa ni Jesus, "May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila."' 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.

Niyakap ng Ama ang bumalik na Anak guhit ni Gustave Dore   Lucas 15:20-21 - At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila. "Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.'
               "Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.' 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At sila nga'y nagdiwang."

               25 "Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, 'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!' sagot ng alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang ama, 'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.'"






  Lucas 16: 1-31

Ang Talinhaga ng Tusong Katiwala
               1 Nagsalita uli si Jesus sa kanyang mga alagad, "May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ariarian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, 'Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.' 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, 'Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.' 5 Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, 'Magkano ang utang mo sa aking amo?' 6 Sumagot ito, 'Isandaang tapayang a langis po.' 'Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu,' sabi ng katiwala. 7 At tinanong naman niya ang isa, 'Ikaw, gaano ang utang mo?' Sumagot ito, 'Isandaang kabang trigo po.' 'Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,' sabi niya. 'Isulat mo, walumpu.' 8 Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito."

               9 At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, "Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

               13 "Walang aliping maaaring maglingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan."

Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan
(Mateo 11:12-13)(Mateo 5:31-32)(Marcos 10:11-12)
               14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, "Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.

               16 "Ang Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at ang lahat ay nagpipilit na makapasok dito. 17 Mas madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kaliit-liitang titik ng Kautusan.

               18 "Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya."

Ang Mayaman at si Lazaro
Ang Mayaman at ang pulubing si Lazaro guhit ni Gustave Dore   Lucas 16:20-21 - May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
               19 "May isang mayamang laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham sa langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, 'Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.' 25 Ngunit sumagot si Abraham, 'Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay maligaya siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.'

               27 "Ngunit sinabi ng mayaman, 'Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap ko pong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala upang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.' 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, 'Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang sundin.' 30 Sumagot ang mayaman, 'Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.' 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, 'Kung ayaw nilang sundin ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.'"







  Lucas 17: 1-37

Mga Sanhi ng Pagkakasala
(Mateo 18:6-7, 21-22)(Marcos 9:42)
               1 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Siguradong darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! 2 Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. 3 Kaya't mag ingat kayo!

               "Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. 4 Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, 'Nagsisisi ako,' kailangang patawarin mo siya."

Pananampalataya sa Diyos
               5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, 'Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!'

               6 Tumugon ang Panginoon, "Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, 'Mabunot ka at matanim sa dagat!' at susundin kayo nito."

Ang Tungkulin ng Alipin
               7 "Sino sa inyo ang magsasabi sa kanyang aliping kagagaling sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, 'Halika, at kumain ka na'? 8 Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, 'Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.' 9 Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.'"

Pinagaling ang Sampung Ketongin
               11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"

               14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."

               Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

               17 "Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."

Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos
(Mateo 24:23-28, 37-41)
               20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, "Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo."

               22 At sinabi niya sa mga alagad, "Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, 'Naroon siya!' o, 'Narito siya!' Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat pagsapit ng takdang araw, a ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito. 26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe. 27 Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.

               31 "Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35-36 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa." b

               37 "Saan po, Panginoon?" tanong ng kanyang mga alagad.

               Sumagot siya, "Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre."





Lucas 18: 1-43

Ang Biyuda at ang Hukom
               1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, 'Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.' 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, 'Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.'" 6 At nagpatuloy ang Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"

Ang Talinhaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis
Ang Pariseo at Ang Maniningil ng Buwis guhit ni Gustave Dore   Lucas 18:11-13 - Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!'
               9 Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. 10 "May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: 'O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.' 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, 'O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!' 14 Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas."

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata
(Mateo 19:13-15)(Marcos 10:13-16)
               15 Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, pinagalitan nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Jesus ang mga alagad at sinabihang, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 17 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos gaya ng isang bata ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos."

Ang Lalaking Mayaman
(Mateo 19:16-30)(Marcos 10:17-31)
               18 May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, "Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?"

               19 Sumagot si Jesus, "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! 20 Alam mo ang mga utos, 'Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang mag-nanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; at igalang mo ang iyong ama at ina.' "

               21 Sinabi ng lalaki, "Ang lahat pong iyan ay tinutupad ko na mula pa sa pagkabata."

               22 Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin." 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.

               24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, "Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman."

               26 Nagtanong ang mga naroong nakikinig, "Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?"

               27 "Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos," tugon ni Jesus.

               28 Nagsalita naman si Pedro, "Tingnan po ninyo, iniwan na po namin ang aming tahanan at sumunod sa inyo."

               29 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa buhay na ito. At sa panahong darating, tatanggap pa siya ng buhay na walang hanggan."

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus Tungkol sa Kanyang Kamatayan
(Mateo 20:17-19)(Marcos 10:32-34)
               31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, "Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay." 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; hindi nila makuha ang kahulugan niyon, at hindi rin nila naintindihan ang sinasabi ni Jesus.

Pinagaling ang Lalaking Bulag
(Mateo 20:29-34)(Marcos 10:46-52)
               35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico; may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.

               37 "Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret," sabi nila sa kanya.

               38 At siya'y sumigaw, "Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!" 39 Pinapatigil siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"

               40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" "Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli," sagot niya.

               42 At sinabi ni Jesus, "Mangyayari ang nais mo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."

               43 Noon di'y nakakita ang bulag at sumunod kay Jesus na nagpuri sa Diyos. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.


 
  Lucas 19: 1-48

Nakilala ni Zaqueo si Jesus
               1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."

               6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.

               8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."

               9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."

Ang Talinhaga ng Salaping Ginto
(Mateo 25:14-30)
               11 Habang ang mga tao ay nakikinig, isinalaysay din ni Jesus sa kanila ang isa pang talinhaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na magsisimula na ang paghahari ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, "May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. a Sinabi niya sa kanila, 'Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.' 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, 'Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.' 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.

               "Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, 'Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.' 17 'Magaling,' sagot niya. 'Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.' 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, 'Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.' 19 At sinabi niya sa alipin, 'Mamamahala ka sa limang lunsod.' 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, 'Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.' 22 Sinagot siya ng hari, 'Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.' 24 At sinabi niya sa mga naroon, 'Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.' 25 'Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,' sabi nila. 26 'Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!'"

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
(Mateo 21:1-11) (Marcos 11:1-11)(Juan 12:12-19)
               28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo sa susunod na nayon at matatagpuan ninyo roon ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon."

               32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, "Bakit ninyo kinakalagan iyan?"

               34 "Kailangan po ito ng Panginoon," tugon nila.

               35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, "Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!"

               39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, "Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad."

               40 Sumagot siya, "Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw."

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
               41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, "Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos."

Si Jesus sa Templo
(Mateo 21:12-17) (Marcos 11:15-19)(Juan 2:13-22)
               45 Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw."

               47 Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.










  Lucas 20: 1-47

Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus
(Mateo 21:23-27)(Marcos 11:27-33)
               1 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nagpapahayag ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. 2 Sinabi nila sa kanya, "Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?"

               3 Sumagot si Jesus, "Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung 4 kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?"

               5 Kaya't nag-usap-usap sila, "Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, 'Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?' 6 Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan." 7 Kaya't ang sagot na lamang nila'y, "Hindi namin alam!"

               8 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito."

Ang Talinhaga ng Ubasan at sa mga Katiwala
(Mateo 21:33-46)(Marcos 12:1-12)
               9 Nangaral muli siya sa mga tao at isinalaysay ang talinhagang ito. "May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Iniwan niya iyon sa mga katiwala at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. 10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa ubasan ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang kaparte. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang alipin at pinauwing walang dala. 11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. 13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, 'Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa yata'y ang minamahal kong anak ang papupuntahin ko. Tiyak na siya'y igagalang nila.' 14 Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak ng may-ari ng ubasan, nag-usap-usap sila at ang sabi, 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.' 15 Siya'y inilabas nga nila sa ubasan at pinatay.

               "Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?" tanong ni Jesus. 16 "Pupunta siya roon at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ipagkakatiwala niya sa iba ang ubasan."

               Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, "Huwag nawa itong ipahintulot ng Diyos!" 17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, "Kung gayon, ano ang kahulugan ng talatang ito sa kasulatan,

'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan'?

18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray."

Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis
(Mateo 22:15-22)(Marcos 12:13-17)
               19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang pinapatamaan niya sa talinhaga, ngunit natakot sila sa mga tao. 20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon, maisasakdal siya sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, "Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. 22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?"

               23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, 24 "Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakatatak dito?"

               "Sa Emperador po," tugon nila.

               25 Sinabi naman ni Jesus, "Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos."

               26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot.

Katanungan Tungkol sa Muling Pagkabuhay
(Mateo 22:23-33)(Marcos 12:18-27)
               27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.' 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"

               34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."

               39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, "Guro, maganda ang sagot ninyo!" 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.

Katanungan Tungkol sa "Anak ni David"
(Mateo 22:41-46)(Marcos 12:35-37)
               41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, "Paano nasasabi ng mga taong ang Cristo ay anak ni David? 42 Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,

               'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, "Maupo ka sa kanan ko,

               43 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo."'

               44 Ngayon, kung 'Panginoon' ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga taong siya'y anak ni David?"

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan
(Mateo 23:1-36)(Marcos 12:38-40)
               45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 "Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong maparangalan sa mga liwasan. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila."









  Lucas 21: 1-38

Ang Handog ng Isang Biyuda
(Marcos 12:41-44)
               1 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang may dalang mga handog sa Templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na biyudang naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. 3 Sinabi niya sa mga alagad, "Ang inihandog ng mahirap na biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4 Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng labis na sa kanila, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang ikabubuhay."

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo
(Mateo 24:1-2)(Marcos 13:1-2)
               5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating
(Mateo 24:3-14)(Marcos 13:3-13)
               7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"

               8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.

               12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."

Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem
(Mateo 24:15-21)(Marcos 13:14-19)
               20 "Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila."

Mga Tanda ng Pagbabalik ng Anak ng Tao
(Mateo 24:29-31)(Marcos 13:24-27)
               25 "Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan."

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos
(Mateo 24:32-35)(Marcos 13:28-31)
               29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, "Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman."

Mag-ingat Kayo
               34 "Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao."

               37 Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.


  Lucas 22: 1-71

Ang Balak Laban kay Jesus
(Mateo 26:1-5) (Marcos 14:1-2)(Juan 11:45-53)
               1 Malapit nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. 2 Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.

Nakiisa si Judas sa mga Kaaway ni Jesus
(Mateo 26:14-16) (Marcos 14:10-11)
               3 Noon nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. 4 Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. 5 Natuwa sila at nangakong babayaran si Judas ng salapi. 6 Sumang-ayon siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.

Paghahanda Para sa Pista ng Paskwa
(Mateo 26:17-25) (Marcos 14:12-21)(Juan 13:21-30)
               7 Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siya namang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong pampaskwa. 8 Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, "Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating hapunang pampaskwa."

               9 "Saan po ninyo nais na maghanda kami?" tanong nila.

               10 Sumagot siya, "Pumunta kayo sa lunsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, 'Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.' 12 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda."

               13 Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.

Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon
(Mateo 26:26-30)(Marcos 14:22-26)(1 Corinto 11:23-25)
               14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, "Nagagalak ako na makasama kayo sa hapunang ito bago ako maghirap. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos."

               17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, "Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos."

               19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin." 20 Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, "Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.

               21 "Ngunit kasalo ko rito ang magtataksil sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kakila-kilabot ang daranasin ng taong magkakanulo sa kanya." 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.

Ang Pinakadakila
               24 Nagtatalu-talo pa ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila. 25 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang mga hari ng mga Hentil ay pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. 26 Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sino ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.

               28 "Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. 29 Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. 30 Kayo'y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel."

Ang Pagkakaila ni Pedro
(Mateo 26:31-35)(Marcos 14:27-31)(Juan 13:36-38)
               31 "Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, pata- tagin mo ang iyong mga kapatid."

               33 Sumagot si Pedro, "Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!"

               34 Ngunit sinabi ni Jesus, "Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila."

Paghahanda sa Darating na Pagsubok
               35 Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, "Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?" "Hindi po," tugon nila.

               36 Sinabi niya, "Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. 37 Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, 'Ibinilang siya sa mga salarin,' sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na." 38 Sinabi ng mga alagad, "Panginoon, heto po ang dalawang tabak." "Sapat na iyan!" tugon niya.

Nanalangin si Jesus
(Mateo 26:36-46)(Marcos 14:32-42)
 Ang Paghihinagpis at Panalangin ni Jesus guhit ni Gustave Dore    Lucas 22:43-44 - Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.
               39 Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, "Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."

               41 Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, "Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo." [ 43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.] a

               45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 "Bakit kayo natutulog?" tanong niya. "Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso."

Ang Pagdakip kay Jesus
(Mateo 26:47-56)(Marcos 14:43-50)(Juan 18:3-11)
               47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, 48 subalit tinanong siya ni Jesus, "Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?"

               49 Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, "Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?" 50 Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito.

               51 Sinabi ni Jesus, "Tama na iyan!" Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom.

               52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa pinuno ng bayan na nagparoon upang dakpin siya, "Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? 53 Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ngayon ay panahon na ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman."

Ikinaila ni Pedro si Jesus
(Mateo 26:57-58, 69-75) (Marcos 14:53-54, 66-72)(Juan 18:12-18, 25-27)
               54 Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila, ngunit malayo ang agwat. 55 Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. 56 Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, "Kasama rin ni Jesus ang taong ito!"

               57 Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, "Aba, hindi! Ni hindi ko nga iyan kilala!"

               58 Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y tinanong, "Hindi ba't kasamahan ka rin nila?"

               Ngunit sumagot siya, "Nagkakamali kayo, Ginoo!"

               59 Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, "Kasama nga ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea."

               60 Ngunit sumagot si Pedro, "Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!"

               Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, "Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila." 62 Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.

Kinutya at Binugbog si Jesus
(Mateo 26:67-68)(Marcos 14:65)
               63 Samantala, si Jesus ay kinukutya at binubugbog ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Siya'y piniringan nila at tinatanong, "Hulaan mo nga kung sino ang sumuntok sa iyo!" 65 Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya.

Sa Harapan ng Sanedrin
(Mateo 26:59-66)(Marcos 14:55-64)(Juan 18:19-24)
               66 Kinaumagahan ay nagkatipon ang Sanedrin na binubuo ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap sa kanila si Jesus at siya'y kanilang tinanong, 67 "Sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo."

               Sumagot si Jesus, "Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. 68 Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. 69 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanang trono ng Makapangyarihang Diyos."

               70 "Nais mo bang sabihing ikaw ang Anak ng Diyos?" tanong ng lahat.

               "Kayo na rin ang nagsasabi," tugon niya.

               71 "Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!" sabi nila.



  Lucas 23: 1-56

Sa Harapan ni Pilato
(Mateo 27:1-2, 11-14)(Marcos 15:1-5) (Juan 18:28-38)
               1 Tumayo ang buong Sanedrin at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Siya ay pinaratangan nila ng ganito, "Napatunayan po namin na sinusulsulan ng taong ito ang aming mga kababayan upang maghimagsik. Ang mga tao ay pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador at nagpapanggap pa siyang siya raw ang Cristo, na siya ay isang hari."

               3 Tinanong siya ni Pilato,

"Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?"
"Ikaw na ang may sabi," tugon ni Jesus.

               4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, "Wala akong makitang kasalanan sa taong ito."

               5 Ngunit mapilit sila at sinasabing, "Sa pamamagitan ng kanyang mga katuruan ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na."

Sa Harapan ni Herodes
               6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. 7 At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. 9 Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.

               10 Samantala, ang mga punong pari naman at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang tigil ng kapaparatang kay Jesus. 11 Dahil dito, siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng mamahaling damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.

Hinatulang Mamatay si Jesus
(Mateo 27:15-26)(Marcos 15:6-15) (Juan 18:39---19:16)
               13 Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila, "Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga taong bayan na maghimagsik. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin si Jesus. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan; wala siyang kasalanan. 16-17 Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain." a

               18 Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, "Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!" 19 Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lunsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.

               20 Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, 21 ngunit sumigaw ang mga tao, "Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!"

               22 Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, "Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain."

               23 Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Napakalakas ng kanilang sigaw 24 kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Si Jesus ay Ipinako sa Krus
(Mateo 27:32-44) (Marcos 15:21-32)(Juan 19:17-27)
               26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod si Jesus.

               27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. 28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, "Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, 'Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.' 30 Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, 'Tabunan ninyo kami!' at sa mga burol, 'Itago ninyo kami!' 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito'y tuyo na?"

 Ipinako si Jesus guhit ni Gustave Dore    Lucas 23:34-35 - Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, "Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!"
               32 May dalawa pang kriminal na inilabas ng mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [ 34 Sinabi...ginagawa: Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."] b

               Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. 35 Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, "Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!"

               36 Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, "Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili."

               38 Isinulat nila sa kanyang ulunan, "Ito ang Hari ng mga Judio."

               39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, "Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami."

Nawalan ng Liwanag ang Araw guhit ni Gustave Dore   Lucas 23:44-45 - Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna.
               40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, "Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama." 42 At sinabi pa nito, "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na."

               43 Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso."

Ang Pagkamatay ni Jesus
(Mateo 27:45-56)(Marcos 15:33-41)(Juan 19:28-30)
               44 Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, "Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!" At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

               47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, "Tunay ngang matuwid ang taong ito!"

 Ibinababa si Jesus sa Krus guhit ni Gustave Dore    Lucas 23:52-53 - Nagpunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang mamahalin at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan.
               48 Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang lungkot na lungkot. 49 Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Nakita rin nila ang mga pangyayaring ito.

Ang Paglilibing kay Jesus
(Mateo 27:57-61)(Marcos 15:42-47) (Juan 19:38-42)
               50-51 May isang lalaki roon na ang pangala'y Jose. Siya'y taga-Arimatea, isang bayan sa Judea. Mabait at matuwid ang taong ito, at isa siya sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Kahit na siya'y kagawad ng Sanedrin, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Jesus. 52 Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang mamahalin at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54 Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.

               55 Sumama kay Jose ang mga babaing sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.

               Dahil sumapit na ang Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa itinakda ng Kautusan.


  Lucas 24: 1-53

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus
(Mateo 28:1-10) (Marcos 16:1-8)(Juan 20:1-10)
               1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. 2 Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. 3 Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Natigilan sila at nagtaka kung ano ang nangyari. Biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. 5 Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, "Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa lugar ng mga patay? 6 Wala siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 'Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.'"

               8 Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, 9 kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. 10 Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. 11 Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. 12 Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Pumasok siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari. a

Sa Daang Papunta sa Emaus
(Marcos 16:12-13)
               13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?"

               Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ni Cleopas, "Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon."

               19 "Anong pangyayari?" tanong niya.

               Sumagot sila, "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buhay. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus."

 Si Jesus at mga Alagad papunta sa Emaus guhit ni Gustave Dore    Lucas 24:26-27 - Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?" At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.
               25 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?" 27 At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

               28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. "Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na," sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, "Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!"

               33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, "Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!" 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad
(Mateo 28:16-20) (Marcos 16:14-18)(Juan 20:19-23)(Gawa 1:6-8)
               36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, "Sumainyo ang kapayapaan!" b 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, "Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo."

               40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. c 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, "May pagkain ba kayo riyan?" 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.

               44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit."

               45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit."

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
(Marcos 16:19-20) (Gawa 1:9-11)
               50 Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang iginagawad niya ito, siya nama'y lumalayo paakyat sa langit. 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.















 

No comments:

Post a Comment