Ang Unang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Corinto
Panimula:
Ang layunin ng Unang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Corinto ay talakayin ang mga problema ng buhay at pananampalatayang Cristiano na lumitaw sa iglesyang itinatag ni Pablo sa Corinto. Nang panahong iyon, ang Corinto ay isang pangunahing lunsod sa Grecia at siya ring punong-lunsod ng Acaya, isang lalawigang Romano. Ang naturang lunsod ay bantog sa kaunlaran sa pangangalakal at kabihasnan. Ngunit kilala rin sa imoralidad na laganap roon, at sa dami ng mga relihiyon na umiiral doon.
Ang mga pangunahing paksang tinatalakay ng apostol ay ang pagkakampi-kampi na umiiral sa iglesia at ang pagpasok ng imoralidad sa pamumuhay ng ilang kasapi. Tinalakay din ang mga problema tungkol sa pag-aasawa at ugnayan ng lalaki at babae, mga pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, kaayusan sa iglesya, mga kaloob ng Espiritu Santo, at ang muling pagkabuhay. Sa sulat na ito'y ipinapakita ni Pablo kung ano ang turo ng Magandang Balita tungkol sa mga paksang nabanggit.
Tinatalakay sa kabanatang 13, ang isa sa mga pinakapopular na bahagi ng aklat na ito, ang pag-ibig bilang pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa kanyang mga anak.
Nilalaman:
Panimula 1:1-9;
Mga pagkakampi-kampi sa iglesya 1:10---4:21;
Imoralidad at pag-aasawa 5:1---7:40;
Mga Cristiano at mga pagano 8:1---11:1;
Pamumuhay at pagsamba sa iglesya 11:2---14:40;
Ang muling pagkabuhay ni Cristo at ng mga mananampalataya 15:1-58;
Tulong para sa mga kapatid sa Judea 16:1-4;
Pangwakas 16:5-24
1 Corinto 1: 1-31
1 Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid, 2 para sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa inyo na mga hinirang ng Diyos na maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat, 3 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 5 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. 6 Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo 7 kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyong bumalik ang ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. a 9 Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Iglesya
10 Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa isipan at maging sa layunin. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. 12 Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, "Kay Pablo ako;" may nagsasabi namang, "Ako'y kay Apolos." May iba pa ring nagsasabi, "Kay Pedro ako," at may iba namang nagsasabi, "Ako'y kay Cristo." 13 Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? 14 Salamat sa Diyos b at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, 15 kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Ako nga rin pala ang nagbautismo sa pamilya ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. 17 Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat nasusulat, "Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino." 20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griyego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griyego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao. 26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika sa paningin ng tao. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hampas lupa, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya nga, tulad ng nasusulat, "Ang sinumang nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon."
1 Corinto 2: 1-16
Ang Ipinangangaral ni Pablo
1 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga a ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong walang sinumang kilalanin maliban kay Jesu-Cristo na ipinako sa krus. 3 Noong ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
Ang Karunungan ng Diyos
6 Sa mga matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. 7 Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. 8 Walang isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
"Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya."
10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasalikisik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na layunin ng Diyos. 11 Sapagkat walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. 12 Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.
13 Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga pinapanahanan ng Espiritu. 14 Sapagkat ang taong di pinapanahanan ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Sinisiyasat ng taong pinapanahanan ng Espiritu ang lahat ng bagay, ngunit walang sinumang makakasiyasat sa kanya.
16 "Sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?"
Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo.
1 Corinto 3: 1-23
Mga Lingkod ng Diyos
1 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Gatas ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, 3 sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. 4 Kapag sinasabi ng isa, "Ako'y kay Pablo," at ng iba, "Ako'y kay Apolos," hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, "Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan." 20 Gayundin, "Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan." 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Para sa inyo ang lahat ng ito, 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.
1 Corinto 4: 1-21
Mga Apostol ni Cristo
1 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Kahit na walang umuusig sa aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong hahatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.
6 Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, "Sumunod kayo sa patakaran." Huwag ninyong ipagmamalaki ang isang tao kung hahamakin lamang naman ninyo ang iba. 7 Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?
8 Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y naghahari na kahit hindi kami tumulong sa inyo. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. 9 Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, tinitiis din namin iyon. 13 Malumanay kaming sumasagot sa mga naninira sa amin. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng sampung libong tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Paaalalahanan niya kayo tungkol sa mga prinsipyo ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus. a Ang mga prinsipyo ring iyan ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.
18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Ano bang gusto ninyo? Pupunta ba akong may dalang pamalo, o taglay ang diwa ng pag-ibig at kahinahunan?
1 Corinto 5: 1-13
Parusa sa Gumagawa ng Kahalayan
1 Nakarating nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! 2 At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! 3 Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na 4 sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. a Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, 5 ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang mapahamak ang kanyang katawan, at nang sa gayo'y maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.
6 Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, "Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa"? 7 Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. 8 Kaya't ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na sagisag ng kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan.
9 Sinabi ko sa aking sulat na huwag na kayong makisalamuha pa sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga makamundong nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat para sila'y maiwasan kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12-13 Kung sabagay, wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Hindi ba't ang mga nasa loob ng iglesya ang dapat ninyong hatulan? Sabi nga sa kasulatan, "Itiwalag ninyo sa inyong samahan ang masamang tao."
1 Corinto 6: 1-20
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
1 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kapwa Cristiano, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na hindi Cristiano, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga hindi mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. 9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo'y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Katawan Ninyo'y Templo ng Diyos
12 May magsasabi, "Malaya akong makagagawa ng kahit ano," ngunit ang sagot ko naman ay "Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti". Maaari ko ring sabihin, "Maaari akong gumawa ng kahit ano," ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. 13 Sasabihin naman ng iba, "Ang mga pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay sa mga pagkain." Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, "Ang dalawa'y magiging isa." 17 Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nagiging kaisa niya sa Espiritu.
18 Huwag kayong makikiapid. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakaka-apekto sa kanyang katawan, ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
1 Corinto 7: 1-40
Mga Katanungan Tungkol sa Pag-aasawa
1 Tungkol naman sa nilalaman ng inyong sulat, sinasabi ko sa inyo na mabuti sa isang lalaki ang huwag mag-asawa. 2 Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkakait ang inyong sarili sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
6 Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.
8 Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa tulad ko. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na sila; mas mabuti ang mag-asawa kaysa di-makapagpigil sa matinding pagnanasa.
10 Ito naman ang iniuutos sa mga may asawa, hindi mula sa akin kundi mula sa Panginoon: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag rin namang palalayasin at hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12 Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. 13 Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. 14 Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap din sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay katanggap-tanggap sa Diyos. 15 Kung nais namang humiwalay ng asawang hindi mananampalataya sa kaniyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang hinihiwalayan ay malaya na sapagkat tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. 16 Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?
Magpatuloy sa Dating Kalagayan sa Buhay
17 Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. 18 Kung ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman tuli nang siya'y tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. 19 Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. 20 Manatili ang bawat isa sa katutubong kalagayan niya sa buhay nang siya'y tawagin ng Diyos. 21 Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag mong intindihin iyon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. a 22 Ang isang alipin noong tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. 23 Malaking halaga ang ipinantubos sa inyo ng Diyos; huwag kayong paaalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo sa gayong pakikiisa sa Diyos.
Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda
25 Tungkol naman sa mga taong walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong mapagkakatiwalaan sapagkat kinahabagan ako ng Panginoon.
26 Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga b ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.
29 Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; 30 ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang namimili, na parang walang ari-arian, 31 at ang mga may tinatamasa sa sanlibutang ito, na parang wala silang tinatamasa. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.
32 Nais kong mailayo kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon---kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. 33 Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito---kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. 34 Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga c d ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalagang lubusan ang sarili para sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito---kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.
36 Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. 37 At kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. 38 Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa. e
39 Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. 40 Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos.
1 Corinto 8: 1-13
Tungkol sa Pagkaing Inihandog sa Diyus-diyosan
1 Tungkol naman sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan, alam nating "may kaalaman tayong lahat." Ang kaalaman ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakapagpapatatag. 2 Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. 3 Ngunit kilala ng Diyos ang sinumang umiibig sa kanya.
4 Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. 5 Kahit na may tinatawag na "mga diyos" sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na "mga diyos" at "mga panginoon" ay marami, 6 subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
7 Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil kulang pa ang kanilang kaalaman, ang akala nila'y nagkasala sila kapag kumain sila niyon. 8 Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.
9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina pa sa pananampalataya. 10 Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng mahina pa sa pananampalataya, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11 Dahil sa inaakala mong "kaalaman" ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12 Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo kay Cristo dahil itinulak ninyo sa pagkakasala ang inyong kapatid sa paggawa ng mga bagay na labag sa kanyang budhi. 13 Kaya nga, kung dahil sa pagkain ng karne ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain niyon upang hindi siya magkasala.
1 Corinto 9: 1-27
Mga Karapatan at Tungkulin ng Isang Apostol
1 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? 2 Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.
3 Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? 6 Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? 7 Ang kawal ba ang gagastos para sa kanyang sariling pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at di nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at di nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. 9 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, "Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik." Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? 10 Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may kaparte sila sa aanihin. 11 Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? 12 Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!
Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? 14 Sa ganyan ding paraan, ipinag-uutos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! 16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko pag-angkin ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.
19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namumuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit na hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina sa pananampalataya, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit sinasanay ko at sinusupil ang aking katawan, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.
1 Corinto 10: 1-33
Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan
1 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa gayon, nabautismuhan silang lahat a sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. 3 Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, 4 at uminom din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumusubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. 5 Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't sila'y isa-isang namatay sa ilang. 6 Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. 7 Huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, "Umupo ang mga tao upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw." 8 Huwag tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. 9 Huwag nating susubukin si Cristo, b gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.
11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.
12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya matisod. 13 Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.
14 Kaya nga, mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan. 15 Ganito ang sinasabi ko sa inyo sapagkat alam kong kayo'y matatalino; kayo na ang magdesisyon. 16 Hindi ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? 17 Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay.
18 Tingnan ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? 19 Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Kaya't ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. 21 Hindi kayo makakainom ng sabay sa kopa ng Panginoon at sa kopa ng mga demonyo. Hindi rin kayo maaaring makisalo ng sabay sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 Nais ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?
23 Mayroon namang magsasabi, "Malaya akong gumawa ng anuman," ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. "Malaya akong gumawa ng anuman," ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, "Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!"
27 Kung anyayahan kayo ng isang di sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, "Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan," huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.
Ikakatwiran naman ng iba, "Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan?" 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos?" 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
1 Corinto 11: 1-34
1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba
2 Ipinagmamalaki ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga itinuro ko sa inyo. 3 Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang nakakasakop sa bawat lalaki, ang lalaki ang nakakasakop sa kanyang asawa, a at ang Diyos naman ang nakakasakop kay Cristo. 4 Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa nakakasakop sa kanya. 5 Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang belo ay nagdudulot ng kahihiyan sa nakakasakop sa kanya, para na rin siyang babaing ahit ang ulo. 6 Kung ayaw magbelo ang isang babae, magpaahit na siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magbelo. 7 Hindi dapat magbelo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, 8 sapagkat hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. 9 At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magbelo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa paningin ng Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Kung nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.
13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang takip sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, wala akong masasabi kundi ito: sa pagsamba, wala kaming ganoong kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.
Ang Banal na Hapunan
(Mateo 26:26-29)(Marcos 14:22-25)(Lucas 22:14-20)
17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring ipagmalaki dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Kailangan ngang magkabukud-bukod kayo upang makilala kung sinu-sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang baong pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos at hinihiya ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Ipagmamalaki ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!
23 Ito ang katuruang tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin." 25 Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, "Ang kopang ito ay ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin." 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.
27 Ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at masasaktin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na. 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.
1 Corinto 12: 1-31
Mga Kaloob ng Espiritu Santo
1 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. 2 Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y napapaniwala sa kung anu-anong mga diyus-diyosan na di naman nakakapagsalita. 3 Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, "Sumpain si Jesus!" At hindi rin masasabi ninuman, "Si Jesus ay Panginoon," kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
4 Iba't iba ang mga espiritwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. 5 Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. 6 Iba't iba ang mga gawaing iniatas, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. 7 Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. 8 Ang ilan sa atin napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng katalinuhan. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. 9 Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; may pinagkalooban din ng kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at may pinagkalooban naman ng kakayahang malaman kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.
Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi
12 Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, "Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan," hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, "Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan," hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.
21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, "Hindi kita kailangan," ni ng ulo, sa mga paa, "Hindi ko kayo kailangan." 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.
27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Kaya't buong sikap ninyong hangarin ang mga kaloob na mas dakila.
At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang walang katulad sa lahat.
1 Corinto 13: 1-13
Ang Pag-ibig
1 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag. 2 Kung ako man ay may kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya na anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, a ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. 6 Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan. 9 Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan nating magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, mawawala na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Kaya't ang tatlong ito'y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
1 Corinto 14: 1-40
Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu
1 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarin ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. 2 Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. 3 Sa kabilang dako, ang nagpapahayag naman ng mensaheng mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. 4 Ang sariling pamumuhay espirituwal ang pinapaunlad ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapaunlad ng nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos.
5 Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit higit na gusto kong kayo'y makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makatulong sa pag-unlad ng iglesya. 6 Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tinuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng nalalaman ko tungkol sa kanya, ng mga mensaheng mula sa Diyos, at ng mga aral.
7 Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? 9 Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang nais ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.
10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Dahil nananabik kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpaunlad sa iglesya.
13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit walang pakinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng "Amen" ang isang taong naroroon kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakatulong sa pag-unlad ng buhay espirituwal ng iba.
18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakakapagsalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.
20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang malay kung tungkol sa kasamaan, ngunit sa inyong pang-unawa, maging tulad kayo ng matatanda. 21 Ganito ang nakasulat sa Kautusan:
"Sinabi ng Panginoon,
'Magsasalita ako sa bayang ito,
sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.'"
22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang palatandaan para sa mga di sumasampalataya, hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay palatandaan para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di sumasampalataya.
23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong di nakakaunawa o di sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing sira ang ulo ninyo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at dumating doon ang isang di nakakaunawa, o di sumasampalataya, makikilala niyang siya'y makasalanan, madarama ang kanyang tunay na kalagayan, 25 at malalaman niya ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihing, "Talagang ang Diyos ay nasa inyo."
Kaayusan sa Iglesya
26 Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng iyon, mga kapatid? Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikauunlad ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos upang matuto ang lahat at mapalakas ang loob nila. 32 Ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay dapat napipigil ng tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay di nalulugod sa kaguluhan dahil siya ang Diyos ng kaayusan at kapayapaan.
Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya. ñ
36 Inaakala kaya ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? 37 Kung inaakala ninuman na siya'y tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, o anumang kaloob ng Espiritu, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, hangarin ninyo na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
1 Corinto 15: 1-58
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
1 Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. 2 Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya.
3 Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; 4 inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; 5 at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. 6 Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buhay pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. 7 At nakita rin siya ni Santiago, at ng lahat ng mga apostol.
8 Sa kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang di-kapanahunan. 9 Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi sa dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16 Kung hindi muling binuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y hindi pa nalilinis sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, a tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20 Ngunit ngayong si Cristo'y muling binuhay, ito'y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kani-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito ang sinasabi ng kasulatan, "Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan." Ngunit sa salitang "lahat ng bagay," maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa lahat.
29 Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? 30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, mga kapatid! b Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32 Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, "Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay."
33 Huwag kayong paloloko. "Ang masasamang kasama'y nakakasira ng magagandang ugali." 34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Subalit may magtatanong, "Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?"
36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.
39 At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.
40 May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. 41 Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang liwanag ng mga bituin, sapagkat maging ang mga bituin ay magkakaiba ang liwanag.
42 Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay; 43 pangit at mahina nang ilibing, maganda't malakas kapag muling nabuhay; 44 inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit. Kung may katawang panlupa, mayroon ding katawang panlangit. 45 Ganito ang sinasabi sa kasulatan, "Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay;" ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay buhay. 46 Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago ang panlangit. 47 Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. 49 Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.
50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan.
51 Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: "Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!"
55 "Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?"
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.
57 Magpasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tayo'y binibigyan niya ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa kanya.
1 Corinto 16: 1-24
Tulong sa mga Kapatid sa Judea
1 Tungkol naman sa tulong para sa mga kapatid sa Jerusalem, gawin ninyo iyon ayon sa sinabi ko sa mga iglesya sa Galacia. 2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang huwag nang manghingi pa ng tulong pagpunta ko riyan. 3 Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. 4 At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila.
Mga Balak ni Pablo
5 Pupunta ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon. 6 Magtatagal ako riyan at maaaring diyan na ako magpapalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo saan man ako pupunta. 7 Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon.
8 Titigil ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes 9 dahil may magandang pagkakataon dito para sa paglilingkod, kahit na maraming humahadlang.
10 Pagdating diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang maliitin, sa halip ay tulungan ninyo upang makabalik siya sa akin nang mapayapa, sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Tungkol naman sa ating kapatid na si Apolos, kinausap ko siyang mabuti upang dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid. Ngunit hindi pa siya makakapunta ngayon. Saka na siya dadalaw sa inyo kapag nagkaroon ng pagkakataon.
Pangwakas na Pananalita
13 Maging handa kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Maging matapang kayo at magpakatibay, 14 at ang lahat ng ginagawa ninyo'y gawin ninyo nang may pagmamahal.
15 Mga kapatid, alam ninyong ang sambahayan ni Estefanas ang unang nakakilala sa Panginoon sa Acaya, at itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod para sa mga hinirang ng Diyos. Nakikiusap ako sa inyo na 16 kayo'y pasakop sa mga tulad nila at sa sinumang kasama nilang nagpapakahirap sa paglilingkod.
17 Nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ginagawa nila ang hindi ninyo magawa para sa akin. 18 Sila ang nagpasigla sa akin, gayundin sa inyo. Pahalagahan ninyo ang ganitong uri ng mga tao.
19 Kinukumusta kayo ng mga iglesya sa Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila, at ng mga kapatid na nagtitipon sa kanilang bahay sa pangalan ng Panginoon. 20 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng kapatid dito.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. a
21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito.
22 Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon!
Marana tha---Dumating ka nawa, Panginoon namin!
23 Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoong Jesus.
24 Sumainyong lahat ang aking pagmamahal sa pangalan ni Cristo Jesus.
No comments:
Post a Comment