Saturday, September 19, 2015

Ang Unang Sulat ni Juan

Ang Unang Sulat ni Juan

Panimula:

               Ang Unang Sulat ni Juan ay may dalawang pangunahing layunin. Una, hikayatin ang mga mambabasa na mamuhay nang may pakikipag-isa sa Diyos at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ikalawa, bigyan sila ng babala na huwag silang sumunod sa maling turo, na masama ang daigdig at si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi talagang tao. Sinasabi ng mga gurong ito na dapat maging malaya ang tao sa anumang kaugnayan sa daigdig na ito para maligtas. Itinuturo rin nila na ang kaligtasan ay walang kaugnayan sa moralidad o sa pag-ibig sa kapwa.

               Bilang pagsalungat sa turong ito, malinaw na sinasabi ng sumulat na si Jesu-Cristo ay tunay na tao. Binigyang-diin niya na kailangang mag-ibigan ang lahat ng nananalig kay Jesus at umiibig sa Diyos.

1 Juan 1: 1-10

Ang Salitang Nagbibigay-buhay
               1 Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan. 2 Nahayag ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na nasa Ama at nahayag sa amin. 3 Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ito upang malubos ang ating a kagalakan.

Mamuhay Ayon sa Liwanag
               5 Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw at walang anumang kadiliman sa kanya. 6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. 7 Ngunit kung namumuhay tayo ayon sa liwanag, gaya ng pananatili niya sa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.

               8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.

1 Juan 2: 1-29

Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
               1 Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, na isang matuwid. 2 Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.

               3 Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang nagsasabing, "Nakikilala ko siya," ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. 5 Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos. a Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. 6 Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.

Ang Bagong Utos
               7 Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. 8 Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.

               9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba. b 11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.

               12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan. 13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.

               14 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo na ninyo ang Masama.

               15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. 16 Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. 17 Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.

Ang Anti-Cristo
               18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang anti-Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na atin.

               20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

               22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang sinumang nagsasabi nito ay ang anti-Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag kinilala ninuman ang Anak, kinikilala rin niya ang Ama.

               24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

               26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng ituturo niya ay totoo, at ito'y walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.

               28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mapahiya sa kanya sa araw na iyon. 29 Kung alam ninyong si Cristo'y matuwid, dapat din ninyong malaman na ang bawat gumagawa ng matuwid ay anak ng Diyos.

1 Juan 3: 1-24

Ang mga Anak ng Diyos
               1 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos. 2 Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. 3 Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo.

               4 Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. 5 Nalalaman ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. 6 Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya.

               7 Mga anak, huwag kayong padaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay isang matuwid tulad ni Cristo. 8 Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

               9 Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanya ang buhay na galing sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.

Magmahalan Tayo
               11 Ito ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag tayong tumulad kay Cain; siya'y kampon ng diyablo. Pinatay niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.

               13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang kapatiran. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa kapatiran. 17 Kapag nakikita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan lamang ng salita, subalit ipakita rin natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.

Panatag na Kalooban at Pananatili sa Diyos
               19 Dito nga natin makikilalang tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos 20 sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. 22 Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. 23 Ito ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.

1 Juan 4: 1-21

Makikilala ang Espiritung Mula sa Diyos
               1 Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. 2 Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay naging tao. 3 Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanila. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa daigdig na.

               4 Mga anak, kayo nga'y sa Diyos na at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. 5 Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. 6 Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin; ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.

Ang Diyos ay Pag-ibig
               7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. 8 Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.

               11 Mga minamahal, dahil ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. 12 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nag-iibigan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

               13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. 15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananahan sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananahan sa kanya. 16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito.

               Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. 17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. 18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.

               19 Tayo'y umiibig a sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing "Iniibig ko ang Diyos," subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.

1 Juan 5: 1-21

Napagtagumpayan Natin ang Sanlibutan
               1 Kung tayo'y sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo, tayo nga'y mga anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. 2 Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, 3 sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ang tumutupad ng kanyang mga utos. Hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, 4 sapagkat napagtagumpayan na ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Sino ang nagtata-gumpay laban sa sanlibutan? Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.

Ang Patotoo Tungkol kay Jesu-Cristo
               6 Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7-8 Tatlo ang nagpapatotoo: a ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang Diyos ay ginagawang sinungaling ng sinumang hindi sumampalataya sa Diyos, sapagkat hindi ito naniniwala sa patotoo niya tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. 12 Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan.

Ang Buhay na Walang Hanggan
               13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. 14 Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.

               16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa kanya ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.

               18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.

               19 Alam nating tayo'y mga anak ng Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.

               20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.

               21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.

Ang Ikalawang Sulat ni Pedro

Ang Ikalawang Sulat ni Pedro

Panimula:

               Ang Ikalawang Sulat ni Pedro ay para sa maraming grupo ng mga unang mananam-palataya. Ang pangunahing layunin nito ay labanan ang mga turo ng mga huwad na guro at ang mga kasamaang ibinubunga nito. Ang kasagutan sa mga problemang ito'y nasa pananatili sa tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo na ipinapahayag ng mga nakakita kay Jesus at nakarinig sa kanyang pagtuturo. Nababahala siya, higit sa lahat, sa turo na si Cristo ay hindi na babalik. Sinasabi ni Pedro na naaantala ang pagbabalik ni Cristo dahil sa katotohanang "Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak"(3:9).

2 Pedro 1: 1-21

               1 Mula kay Simon Pedro, isang lingkod at apostol ni Jesu-Cristo---

               Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

               2 Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos
               3 Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. 4 Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.

               5 Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; 6 sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; 7 sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. 8 Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. 9 Ang taong wala ng mga katangiang iyan ay mistulang bulag at nakalimot na pinatawad na siya sa kanyang mga kasalanan.

               10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang mapatunayan ninyong kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung ganito ang gagawin ninyo, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y maluwag na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

               12 Kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. 13 Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. 14 Alam kong hindi na ako magtatagal sa buhay na ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y nasa kabilang buhay na.

Ang mga Saksi sa Kadakilaan ni Cristo
               16 Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan 17 nang tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kapurihan. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan." 18 Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok.

               19 Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuting ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. 20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makakapagpaliwanag ng alinmang propesiya sa Kasulatan sa sariling kakayahan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

2 Pedro 2: 1-22

Mga Huwad na Guro
               1 Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong nagligtas sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. 2 At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay mapaparatangan ng masama. 3 Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang matatamis na pananalita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.

               4 Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman a upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. 5 Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. 6 Sinumpa at tinupok b ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. 7 Ngunit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang namighati dahil sa mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. 8 Naghihirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. 9 Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paanong paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahalay na nasa ng katawan at humahamak sa kapangyarihan ng Diyos.

               Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong binabanggit ko. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel, kaysa mga huwad na guro, na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Ang kaligayahan nila'y ang hayagang magpasasa sa nasa ng laman. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi mga babaing mapag-aaliwan nila; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor c na nagpahalaga sa bayad sa paggawa ng masama. 16 Dahil dito, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.

               17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos ang kadiliman para sa kanila. 18 Mayayabang sila kung magsalita, ngunit wala namang kabuluhan ang sinasabi. Ginagamit nila ang nasa ng laman upang maibalik sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay ng may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa nahihikayat nila, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang mapanagumpayan. 20 Nakaiwas na sa kasamaan ng daigdig ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit kung muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila natutuhan ang daang matuwid, kaysa matapos matutuhan ang banal na Kautusang itinuro sa kanila ay tumalikod sila dito. 22 Angkop na angkop sa nangyari sa kanila ang mga kasabihang:

"Ugali ng aso, matapos sumuka ay muling kinakain ang nailuwa na,"

               at,

"Ito namang baboy, paliguan mo man, pilit na babalik sa dating lubluban."

2 Pedro 3: 1-18

Ang Pangakong Pagdating ng Panginoon
               1 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. 2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa nasa ng laman. 4 Sasabihin nila, "Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito." 5 Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. 6 Sa pamamagitan din ng tubig, ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. 7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.

               8 Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak.

               10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala. a 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madaling dumating ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran, sapagkat ganoon ang kanyang pangako.

               14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. Kaya lang, ang ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.

               17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Magpatuloy kayong lumago sa kagandahang-loob at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.

Ang Unang Sulat ni Pedro

Ang Unang Sulat ni Pedro

Panimula:

               Ang Unang Sulat ni Pedro ay para sa mga mananampalatayang tinatawag niyang "mga hinirang ng Diyos," na nakakalat sa gawing hilaga ng Asia Menor. Ang pangunahing layunin ng sulat na ito ay palakasin ang loob ng mga sinulatan niya, sapagkat dumaranas ang mga ito ng matinding pag-uusig at pagtitiis dahil sa kanilang pananampalataya. Ipinagugunita sa kanila ng sumulat ang Magandang Balita ni Jesu-Cristo. Sinabi niyang ang kamatayan, muling pagkabuhay at pagbabalik ng Panginoong Jesus ang magdudulot sa kanila ng pag-asa. Dahil dito, dapat nilang tanggapin at tiisin ang kahirapan, sapagkat natitiyak nilang ito'y isang pagsubok sa katapatan ng kanilang pananam-palataya. Bukod dito, sila'y gagantimpalaan "sa Araw na mahayag si Cristo."

               Kasabay ng dulot niyang pampalakas-loob sa panahon ng ligalig, pinapayuhan din ng may-akda ang mga bumabasa na mamuhay bilang tunay na mga tagasunod ni Cristo.

1 Pedro 1: 1-25

               1 Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo---

               Sa mga hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. 2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.

               Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan.

Isang Buhay na Pag-asa
               3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buhay na pag-asa. 4 Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon.

               6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit siya'y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya na kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong a pananampalataya, ang inyong kaligtasan.

               10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa kaloob na nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo sa kanila mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.

Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
               13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat nasusulat, "Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal."

               17 Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan. 20 Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

               22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buhay at di nagbabagong salita ng Diyos. 24 Ayon sa kasulatan,

"Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at kumukupas naman ang bulaklak,

25 ngunit ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman."

               At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

1 Pedro 2: 1-25

Ang Batong Buhay at ang Bayang Pinili
               1 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan, 3 sapagkat sinasabi sa kasulatan, "Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon."

               4 Lumapit kayo sa kanya; siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buhay, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya alang-alang kay Jesu-Cristo, 6 sapagkat sinasabi ng kasulatan,

               "Tingnan ninyo,

inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya."

               7 Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga walang pananampalataya, matutupad ang nasa kasulatan,

"Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon."

               8 At

"Batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila."

               Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.

               9 Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga- hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y tinatanggap na ninyo ang kanyang habag.

Maging mga Alipin ng Diyos
               11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa inyong kaluluwa. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, kapag nakita nila ang inyong mabubuting gawa ay magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang paghuhukom.

               13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya. Huwag ninyong gawing panakip sa paggawa ng masama ang kalayaang ito, subalit mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos at may paggalang sa Emperador.

Tularan ang Pagtitiis ni Cristo
               18 Mga alipin, magpasakop kayo sa mga nagmamay-ari sa inyo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait kundi pati ang malulupit, 19 sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. 22 Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y pinagaling na sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naliligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

1 Pedro 3: 1-22

Katuruan Para sa mga Mag-asawa
               1 Kayo namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. At kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal, kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila. 2 Sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. 3 Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. 4 Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. 5 Iyan ang kagandahang ipinakita ng mga banal na babaing umasa sa Diyos noong unang panahon. Sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. 6 Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.

               7 Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.

Paghihirap Dahil sa Paggawa ng Matuwid
               8 Sa aking pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. 10 Ayon sa nasusulat,

"Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,
dila nila'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita
sa kanyang mga labi ay di dapat lumabas.

11 Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;
at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.

12 Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig,
ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!"

               13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan? 14 At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo. 16 Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay a nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo b sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila'y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang malaking barko. Iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa baha. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Ang bautismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.

1 Pedro 4: 1-19

Ang Panibagong Buhay
               1 Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. 2 Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, masasamang nasa ng laman, paglalasing, walang tigil na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y sinisiraan nila, 5 ngunit mananagot sila sa Diyos na hahatol sa mga buhay at sa mga patay. 6 Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos
               7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat. 11 Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis ng Cristiano
               12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan. 14 Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.

               17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad ng sinasabi ng kasulatan,

"Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?"

               19 Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.


1 Pedro 5: 1-14

Pangangalaga at Pagiging Handa
               1 Sa mga matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo. Saksi ako sa mga paghihirap ni Cristo at makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Nakikiusap ako sa inyo, 2 alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. a Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. 4 At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

               5 At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno ng iglesya. Magpa-kumbaba kayong lahat sapagkat nasusulat, "Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban." 6 Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. 7 Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

               8 Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila. 9 Huwag kayong matatakot sa kanya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pag-katapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpa-kailanman! Amen.

Pangwakas na Tagubilin
               12 Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silas, b na isa nating kapatid at lubos kong pinag-kakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.

               13 Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. 14 Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Cristo.

               Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga tagasunod ni Cristo.































Ang Sulat ni Santiago

Panimula:

               Ang Sulat ni Santiago ay kalipunan ng mga tagubilin sa "mga pinili ng Diyos na nasa iba't ibang bansa." Maraming paglalarawan ang ginagamit ng sumulat para mailahad ang mga tagubilin tungkol sa karunungan, maayos na pag-uugali at pagkilos ng isang Cristiano. Buhat sa pananaw ng isang mananampalataya, tinalakay niya ang iba't ibang bagay gaya ng kayamanan, kahirapan, tukso, mabuting asal, pagtatangi, pananampalataya at gawa, dila, karunungan, pag-aaway, pagmamataas at kababaang-loob, paghatol sa kapwa, kayabangan, katiyagaan, at panalangin.

               Binibigyang-diin sa sulat na ito ang kahalagahan ng gawang kasama ng pananampalataya sa pamumuhay Cristiano.

Santiago 1: 1-27

               1 Mula kay Santiago, alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:

               Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa labindalawang liping hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang bansa.

Pananampalataya at Karunungan
               2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.

               5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.

Ang Mahirap at ang Mayaman
               9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababa, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.

Ang Pagsubok at ang Pagtukso
               12 Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon a sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa. 15 Kapag ang nasa ay tumubo at nag-ugat sa kanyang puso, magbubunga ito ng pagkakasala. Kapag ang kasalanan ay lumala, ito'y hahantong sa kamatayan.

               16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.

Pakikinig at Pagsasagawa
               19 Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pagsasalita at huwag agad magagalit. 20 Dahil ang galit ay hindi nakakatulong upang ang tao'y maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyong taimtim sa inyong puso ang salita ng Diyos sapagkat ang salitang ito ang makakapagligtas sa inyo.

               22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumingin sa salamin, 24 at pagkatapos tingnang mabuti ang sarili ay umalis at kinakalimutan ang kanyang hitsura. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi nakikinig lamang, at pagkatapos ay nakakalimot.

               26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.

Santiago 2: 1-26

Babala Laban sa Pagtatangi
               1 Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. 2 Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang mahirap na puro sulsi ang damit, 3 at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, "Dito kayo maupo," at sinabi naman ninyo sa mahirap, "Tumayo ka na lang diyan," o kaya'y, "Sa sahig ka na lang umupo," 4 nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

               5 Mga kapatid kong minamahal, tingnan ninyo nang mabuti! Hindi ba't ang pinili ng Diyos ay ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang nagsasakdal sa inyo sa hukuman? 7 Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

               8 Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos sa kaharian ng Diyos, ayon sa Kasulatan, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili." 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isa, kahit tumupad sa iba pang mga utos ay lumalabag pa rin sa buong Kautusan, 11 sapagkat ang Diyos na nagsabing, "Huwag kang mangangalunya," ay siya ring nagsabing, "Huwag kang papatay." Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo na rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awa na hahatulan ng Diyos ang di-marunong maawa; ngunit ang maawain ay walang dapat ikatakot sa oras ng paghatol.

Pananampalataya at mga Gawa
               14 Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, "Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog," ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang naidudulot sa kanya iyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

               18 Ngunit may nagsasabi, "May pananampalataya ka at may gawa naman ako." Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kasamang gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Ang ating amang si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad ang sinasabi ng kasulatan, "Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid," at tinawag siyang "kaibigan ng Diyos." 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang.

               25 Gayundin si Rahab, ang babaing bayaran; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y tinanggap bilang matuwid.

               26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.

Santiago 3: 1-18

Ang Dila
               1 Mga kapatid, hindi dapat na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. 2 Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.

               3 Kapag nilagyan ng pakagat a ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapa-baling saanman natin naisin. 4 Tingnan ninyo ang barko, kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, ay naibabaling saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan.

               Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at talagang napapaamo ng tao, 8 ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa paglait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri't panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.

Ang Karunungang Mula sa Diyos
               13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa Diyos, kundi makasanlibutan, makalaman at mula sa diyablo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.

               17 Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay malinis ang pamumuhay, maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.

Santiago 4: 1-17

Kaaway ng Diyos ang Kaibigan ng Sanlibutan
               1 Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban? 2 Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. 3 At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. 4 Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos. 5 Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, "Ayaw ng espiritung ibinigay sa atin ng Diyos na siya'y may kaagaw sa ating pag-ibig." a 6 Ngunit higit na malakas ang tulong na ibinigay niya sa atin. Kaya't sinasabi ng kasulatan, "Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit nalulugod sa mga mapagpakumbaba."

               7 Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.

Huwag Humatol sa Kapwa
               11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang namimintas o humahatol sa kanyang kapatid ay namimintas at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. 12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magpahamak. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?

Huwag Magmalaki
               13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, "Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal kami at kikita nang malaki." 14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. 15 Sa halip ay sabihin ninyo, "Kung loloobin ng Panginoon at nabubuhay pa kami, gagawin namin ito o iyon." 16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!

               17 Ang nakakaalam na dapat niyang gawin ang mabuti ngunit hindi iyon ginagawa ay nagkakasala.


Santiago 5: 1-20

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman
               1 Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. 2 Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. 3 Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. 4 Sumisigaw laban sa inyo ang mga umani sa inyong bukirin dahil hindi ninyo ibinigay sa kanila ang kanilang sweldo. Umabot na sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! 5 Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. 6 Hinatulan ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na walang kalaban-laban.

Pagtitiyaga at Pananalangin
               7 Mga kapatid, kaya nga't magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang kapana-panabik na ani ng kanyang bukirin, at minamatyagan ang pagpatak ng ulan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

               9 Mga kapatid, huwag na kayong magsisihan sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi nating mapalad ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.

               12 Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag na kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, "Saksi ko ang langit," o "Saksi ko ang lupa," o "Saksi ko ang ano pa man." Sapat nang sabihin ninyo, "Oo" kung oo at "Hindi" kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

               13 Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan. 16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.

               19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa wastong pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nakakapawi ng maraming kasalanan.

Ang Sulat sa Mga Hebreo

Ang Sulat sa Mga Hebreo


Panimula:
               Ang Sulat sa Mga Hebreo ay para sa mga mananampalatayang dumaranas ng mahigpit na pag-uusig at nanganganib na tumalikod sa pananampalatayang Cristiano. Pinapalakas ng sumulat ang kanilang loob upang magpakatatag sa pananampalataya. Upang maisagawa ito, ipinakita niya na si Jesu-Cristo ang tunay at panghuling pahayag ng Diyos. Tatlong katotohanan ang binibigyang-diin dito: Una, Si Jesus ang Anak ng Diyos na walang simula at walang katapusan. Siya ay lubos na sumunod sa Ama sa pamamagitan ng pagpapakasakit na kanyang tiniis. Ikalawa, bilang Anak ng Diyos, si Jesus ang paring walang hanggan na ipinahayag ng Diyos, at higit siya sa mga pari at mga propeta ng Lumang Tipan. Ikatlo, Sa pamamagitan ni Jesus, ang mananampalataya ay naligtas na sa kasalanan, takot, at kamatayan. Bilang Pinakapunong Pari, si Jesus ay nagkakaloob ng tunay na kaligtasan na siyang layunin ng mga rituwal at paghahandog ng mga hayop sa dambana, ayon sa relihiyon ng mga Judio.

               Sa pagbanggit sa mga halimbawa ng pananampalataya ng ilang taong kilala sa kasaysayan ng Israel (kabanatang 11), nanawagan ang sumulat sa kanyang mga mambabasa na manatiling tapat sa pananampalataya. Sa kabanatang 12, sila ay hinihikayat niyang ituon kay Jesus ang kanilang paningin at tiisin ang anumang hirap at pag-uusig na maaaring dumating sa kanila. Nagwawakas ang aklat na ito sa pamamagitan ng mga payo at babala.


Hebreo 1: 1-14

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
               1 Noong una, nangusap ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. 2 Ngunit nitong mga huling araw, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. 3 Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos doon sa langit.

Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel
               4 Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. 5 Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

"Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama."

               Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,

"Ako'y kanyang magiging Ama,
at siya'y aking magiging Anak."

               6 At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,

"Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos."

7 Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya,
"Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod."

               8 Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya,

"Ang iyong trono, O Diyos a ay magpakailan pa man,
ikaw ay maghaharing may katarungan.

9 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi."

               10 Sinabi pa rin niya,

"Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang lumikha ng kalangitan.

11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas,

12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo."

               13 Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

"Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo."

               14 Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga maliligtas.


Hebreo 2: 1-18

Ang Dakilang Kaligtasan
               1 Kaya nga, dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw. 2 Ang mensaheng ipinahayag ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. 3 Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. 4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin
               5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang sanlibutang kanyang lilikhain---ang sanlibutang aming tinutukoy. 6 Sa halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng kasulatan:

"Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, a

8 at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay."

               Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. 9 Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa kanyang kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay mamatay para sa ating lahat. 10 Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming tao patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

               11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi niya sa Diyos,

"Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan."

               13 Sinabi rin niya,

"Ako'y mananalig sa Diyos."

               At dugtong pa niya,

"Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos."

               14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang Pinakapunong Pari, mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap.

Hebreo 3: 1-19

Higit si Jesus kay Moises
               1 Mga kapatid sa pananampalataya at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa buonga sambahayan ng Diyos. 3 Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. 4 Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. 5 Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. 6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kaya't matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.

Kapahingahan Para sa Sambahayan ng Diyos
               7 Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,

"Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,

8 iyang inyong puso'y huwag patigasin,
tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno doon sa ilang, nang subukin nila ako.

9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.

10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
'Lagi silang lumalayo sa akin,
ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.'

11 Kaya't sa galit ko,
'Ako ay sumumpang hindi mararating, ang lupang pangakong aking inilaan.'"

               12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag maging masama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa kanyang talikuran ang Diyos na buhay. 13 Sa halip, magtulungan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang "ngayon" upang walang sinumang madaya sa inyo at maging alipin ng kasalanan. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

15 Ito nga ang sinasabi sa kasulatan,
"Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
iyang inyong puso'y huwag patigasin,
tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos."

               16 Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, "Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko"? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon kaya't hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Diyos.

Hebreo 4: 1-16

               1 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok at makakapagpahinga sa piling niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. 2 Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. 3 Tayong mga sumampalataya ang nakatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,

"Sa galit ko'y aking isinumpa,
'Hindi sila makakapasok at hindi makakapagpahinga sa aking piling.' "

               Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. 4 Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang tungkol sa ikapitong araw, "At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha." 5 At muli pang sinabi, "Hindi sila makakapasok at makakapagpahinga sa aking piling." 6 Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok at nakapagpahinga dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring magpahinga sa piling ng Diyos. 7 Kaya't muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang "Ngayon". Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,

"Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
iyang inyong puso'y huwag patigasin."

               8 Kung ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat ang sinumang makapasok at makapagpahinga sa piling ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang paggawa, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.

               12 Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao. 13 Walang makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo mananagot.

Si Jesus ang Pinakapunong Pari
               14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.

Hebreo 5: 1-14

               1 Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. 2 Nadarama niya ang kahinaan ng mga mangmang at ng mga naliligaw ng landas sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. 3 At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para sa kanya ring mga kasalanan. 4 Ang karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.

               5 Gayundin naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,

"Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama."

               6 Sinabi rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,

"Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec."

               7 Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya'y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban. 10 Minarapat ng Diyos na siya'y gawing Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Babala Laban sa Pagtalikod
               11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa mga Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at kulang pa ang kaalaman sa salita ng katuwiran. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at marunong nang kumilala ng mabuti't masama.

Hebreo 6: 1-20

               1 Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy na tayo; at iyan ang gagawin namin kung loloobin ng Diyos.

               4 Sapagkat paano pang magsisisi at manunumbalik ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat, hindi na sila maaari pang maakay sa pagsisisi at mapanumbalik sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.

               7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at ito ay nanganganib pang sumpain ng Diyos. Ito ay tutupukin sa apoy.

               9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.

Tiyak ang Pangako ng Diyos
               13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, siya'y nanumpa na tutuparin niya ang kanyang pangako. Dahil wala nang nakakahigit pa sa kanya, nanumpa siya sa sarili niyang pangalan. 14 Sinabi niya, "Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at ang lahing magmumula sa iyo ay aking pararamihin." 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap naman niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito'y pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi man lang nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Hebreo 7: 1-28

Ang Paring si Melquisedec
               1 Si Melquisedec ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, "Pagpalain ka ng Panginoon." 2 Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay "Hari ng Katuwiran". At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay "Hari ng Kapayapaan". 3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.

               4 Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. 5 Ayon sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay binigyan ng karapatang kunin ang ikasampung bahagi ng pag-aari ng mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. 7 Nalalaman ng lahat na ang nagbibigay ng pagpapala ay higit na dakila kaysa pinagpapala. 8 Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buhay si Melquisedec ayon sa kasulatan. 9 Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.

               11 Ang Kautusan ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. Kung ang pagiging-ganap ay nakamtan sa pamamagitan ng mga paring mula sa angkan ni Levi, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pari, ayon sa pagkapari ni Melquisedec, na iba sa pagkapari ni Aaron. 12 Kapag binago ang pagkapari, kailangan ding baguhin ang kautusan. 13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito. Kabilang siya sa ibang angkan at wala isa man sa angkan niya ang naglingkod bilang pari. 14 Alam ng lahat na siya'y mula sa angkan ni Juda, at hindi binanggit ni Moises ang angkang ito nang sabihin niya ang tungkol sa mga pari.

Ibang Pari, Tulad ni Melquisedec
               15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan, ayon sa hinihingi ng Kautusan. 17 Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, "Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec." 18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. 19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.

               20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, 21 ngunit nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,

"Ang Panginoon ay sumumpa,
at hindi siya magbabago ng isip,
'Ikaw ay pari magpakailanman!'"

               22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.

               23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buhay magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

               26 Samakatuwid, si Jesus, kung ganoon, ang Pinakapunong Paring nakakatugon sa ating pangangailangan. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y magpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. 28 May mga kahinaan ang mga pinakapunong pari na pinili ayon sa Kautusan ngunit ang Dakilang Pinakapunong Pari na pinili ayon sa panunumpa ay ang Anak na ginawang ganap magpakailanman. At ang ipinangako ng Diyos ay huling dumating kaysa sa Kautusan.

Hebreo 8: 1-13

Si Jesus ang Ating Pinakapunong Pari
               1 Ito ang buod ng aming sinasabi: tayo ay may Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. 2 Siya'y naglilingkod doon sa tunay na Dakong Banal, sa toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.

               3 Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. 4 Sa lupa ay hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, "Gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok." 6 Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.

               7 Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa. 8 Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya,

"Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong kasunduan sa Israel at sa Juda.

9 Hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
nang ilabas ko sila sa Egipto.
Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin,
kaya't sila'y aking pinabayaan.

10 Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel
pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos;
isusulat ko ito sa kanilang puso.
Ako ang kanilang magiging Diyos,
at sila ang aking magiging bayan.

11 Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing,
'Kilalanin mo ang Panginoon.'
Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.

12 Sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan,
at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan."

               13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong kasunduan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang pinapawalang-bisa at naluluma ay malapit nang mawala.

Hebreo 9: 1-28

Ang Pagsamba Dito sa Lupa at Doon sa Langit
               1 Ang naunang kasunduan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. 2 Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; 3 ang ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. 4 Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang- ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. 5 At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit ito'y hindi na namin ipapaliwanag nang isa-isa ngayon.

               6 Ganoon ang pagkakaayos ng loob ng toldang kanilang sinasambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. 7 Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at ng mga tao nang hindi nalalaman. 8 Sa ganoong pagkaayos, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukas habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. 9 Simbolo lamang ang mga iyon at ang kahulugan nito ay ang kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nagpapabanal sa mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.

               11 Ngunit dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang ito ay hindi sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan magpakailanman. 13 Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating a puso't isipan sa mga gawaing walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buhay.

               15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang kasunduan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

               16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buhay pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang kasunduan ay hindi pinagtibay kung hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop na inihandog. 19 Matapos ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kinuha niya ang dugo ng mga baka at ng mga kambing b at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, "Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinapatupad sa inyo." 21 Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung hindi sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo.

Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo
               23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

               25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na sila'y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin naman, si Cristo'y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Hebreo 10: 1-39

               1 Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. 2 Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na sana silang dapat alalahanin, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. 3 Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, 4 sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.

               5-6 Dahil diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:

"Ang mga pang-alay, pati mga handog,
at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.

7 Kaya't sinabi ko, 'Ako'y narito, O Diyos,
upang sundin ang iyong kalooban,'
ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin."

               8 Sinabi muna niya, "Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan" kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. 9 Saka niya idinugtong, "Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban." Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. 10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanan at sapat na paghahandog ng kanyang sarili.

               11 Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at naghahandog ng ganoon ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at pagkatapos ay umupo na sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos.

               15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,

16 "Ganito ang gagawin kong kasunduan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip."

               17 Pagkatapos ay sinabi pa niya, "Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan." 18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.

Lumapit Tayo sa Diyos
               19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng ginagawa ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang araw ng Panginoon.

               26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at humamak sa mahabaging Espiritu? 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi, "Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa." At siya rin ang nagsabi, "Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan." 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buhay!

               32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng kayamanan, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,

"Kaunting panahon na lamang;
hindi na magtatagal, at si Cristo ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, a
ngunit kung siya'y tatalikod,
hindi ko siya kalulugdan."

               39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga sumasampalataya sa Diyos at naliligtas.

Hebreo 11: 1-40

Ang Pananampalataya sa Diyos
               1 Ang pananampalataya ay pagtitiwala na mangyayari ang ating mga inaasahan, at katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. 2 Kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.

               3 Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita.

               4 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na siya, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos.

               5 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. 6 Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya.

               7 Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.

               8 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap din naman ng pangakong katulad niyon. 10 Sapagkat matapat na hinihintay ni Abraham ang isang lunsod na Diyos mismo ang nagplano at nagtatag.

               11 Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako. a 12 Kaya't sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.

               13 Silang lahat ay namatay na may pananampalataya sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung ang mahal nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lunsod na higit na mabuti, ang lunsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lunsod.

               17 Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinhagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

               20 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.

               21 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.

               22 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sinabi ni Jose nang siya'y malapit nang mamatay na makakaalis sa Egipto ang mga Israelita, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.

               23 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

               24 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw ng mundong ito na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.

               27 Ang pananampalataya din sa Diyos ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto kahit magalit ang hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil din sa pananampalataya na iyan, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.

               29 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.

               30 Dahil sa pananampalataya ng mga Israelita sa Diyos, gumuho ang pader ng Jerico matapos nilang ligirin ito nang pitong araw. 31 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Rahab, ang babaing may maruming pamumuhay, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw pasakop sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.

               32 Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, nagwagi sila laban sa mga kaharian, namuhay sila nang matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa tiyak na kamatayan. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay matapos ang mga ito'y buhaying muli.

               May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ibinilanggong nakakadena. 37 Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, b at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.

               39 At dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Bagama't sila'y pinarangalan sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi nila natanggap ang ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.

Hebreo 12: 1-29

Ama Natin ang Diyos
               1 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.

               3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. 4 Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. 5 Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?

"Anak ko, huwag mong bale-walain ang pagtutuwid ng Panginoon,
at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina niya.

6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo ang itinuturing niyang anak."

               7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. 9 Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at mga Tagubilin
               12 Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling.

               14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15 Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasama ang iba. 16 Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.

               18 Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. 19 Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, 20 sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, "Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay." 21 Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, "Nanginginig ako sa takot!"

               22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lunsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Dumalo kayo sa masayang pagtitipon a ng mga itinuring na panganay. Ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ang dugo niyang dumanak ay may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.

               25 Kaya't makinig kayong mabuti sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, "Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit." 27 Ang mga salitang "Minsan pa" ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.

               28 Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi mayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, sa paraang may paggalang at pagkatakot, 29 sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok.

Hebreo 13: 1-25

Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
               1 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Palaging maging bukas ang inyong pinto sa mga taga-ibang bayan. Lingid sa kanilang kaalaman, may ilang nakapagpatuloy na ng mga anghel. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.

               4 Dapat igalang ng lahat ang pagsasama ng mag-asawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.

               5 Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, "Hindi kita iiwan ni pababayaan man." 6 Kaya't buong tapang nating masasabi,

"Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?"

               7 Alalahanin ninyo ang mga dating namumuno sa inyo, ang mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya sa Diyos. 8 Si Jesu-Cristo ay hindi magbabago kailanman; siya ay kahapon, ngayon, at bukas. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod sa mga utos na iyan ay wala namang natamong pakinabang.

               10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambana na ito. 11 Ang dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng bayan upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng bayan at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na bayan natin, at ang hinahanap natin ay ang bayang darating. 15 Kaya't a lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.

               17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y may pananagutang mangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos ukol diyan. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.

               18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.

Panalangin
               20 Ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan na siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo ang nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.

Panghuling Pangungusap
               22 Mga kapatid, hinihiling ko na pakinggan ninyong mabuti ang mga sinasabi ko sapagkat maikli lang naman ang sulat na ito. 23 Nais ko ring malaman ninyo na nakalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.

               24 Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng kapatid. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.

               25 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Diyos.