Ang Unang Sulat ni Pedro
Panimula:
Ang Unang Sulat ni Pedro ay para sa mga mananampalatayang tinatawag niyang "mga hinirang ng Diyos," na nakakalat sa gawing hilaga ng Asia Menor. Ang pangunahing layunin ng sulat na ito ay palakasin ang loob ng mga sinulatan niya, sapagkat dumaranas ang mga ito ng matinding pag-uusig at pagtitiis dahil sa kanilang pananampalataya. Ipinagugunita sa kanila ng sumulat ang Magandang Balita ni Jesu-Cristo. Sinabi niyang ang kamatayan, muling pagkabuhay at pagbabalik ng Panginoong Jesus ang magdudulot sa kanila ng pag-asa. Dahil dito, dapat nilang tanggapin at tiisin ang kahirapan, sapagkat natitiyak nilang ito'y isang pagsubok sa katapatan ng kanilang pananam-palataya. Bukod dito, sila'y gagantimpalaan "sa Araw na mahayag si Cristo."Kasabay ng dulot niyang pampalakas-loob sa panahon ng ligalig, pinapayuhan din ng may-akda ang mga bumabasa na mamuhay bilang tunay na mga tagasunod ni Cristo.
1 Pedro 1: 1-25
1 Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo---Sa mga hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. 2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.
Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan.
Isang Buhay na Pag-asa
3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buhay na pag-asa. 4 Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon.
6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit siya'y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya na kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong a pananampalataya, ang inyong kaligtasan.
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa kaloob na nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo sa kanila mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat nasusulat, "Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal."
17 Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan. 20 Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buhay at di nagbabagong salita ng Diyos. 24 Ayon sa kasulatan,
"Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at kumukupas naman ang bulaklak,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman."
At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
1 Pedro 2: 1-25
Ang Batong Buhay at ang Bayang Pinili1 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan, 3 sapagkat sinasabi sa kasulatan, "Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon."
4 Lumapit kayo sa kanya; siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buhay, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya alang-alang kay Jesu-Cristo, 6 sapagkat sinasabi ng kasulatan,
"Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya."
7 Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga walang pananampalataya, matutupad ang nasa kasulatan,
"Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon."
8 At
"Batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila."
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga- hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y tinatanggap na ninyo ang kanyang habag.
Maging mga Alipin ng Diyos
11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa inyong kaluluwa. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, kapag nakita nila ang inyong mabubuting gawa ay magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang paghuhukom.
13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya. Huwag ninyong gawing panakip sa paggawa ng masama ang kalayaang ito, subalit mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos at may paggalang sa Emperador.
Tularan ang Pagtitiis ni Cristo
18 Mga alipin, magpasakop kayo sa mga nagmamay-ari sa inyo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait kundi pati ang malulupit, 19 sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. 22 Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y pinagaling na sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naliligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.
1 Pedro 3: 1-22
Katuruan Para sa mga Mag-asawa1 Kayo namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. At kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal, kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila. 2 Sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. 3 Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. 4 Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. 5 Iyan ang kagandahang ipinakita ng mga banal na babaing umasa sa Diyos noong unang panahon. Sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. 6 Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.
7 Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.
Paghihirap Dahil sa Paggawa ng Matuwid
8 Sa aking pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. 10 Ayon sa nasusulat,
"Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,
dila nila'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita
sa kanyang mga labi ay di dapat lumabas.
11 Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;
at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.
12 Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig,
ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!"
13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan? 14 At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo. 16 Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay a nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo b sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila'y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang malaking barko. Iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa baha. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Ang bautismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.
1 Pedro 4: 1-19
Ang Panibagong Buhay1 Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. 2 Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, masasamang nasa ng laman, paglalasing, walang tigil na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y sinisiraan nila, 5 ngunit mananagot sila sa Diyos na hahatol sa mga buhay at sa mga patay. 6 Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat. 11 Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.
Ang Pagtitiis ng Cristiano
12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan. 14 Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.
17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad ng sinasabi ng kasulatan,
"Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?"
19 Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.
1 Pedro 5: 1-14
Pangangalaga at Pagiging Handa1 Sa mga matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo. Saksi ako sa mga paghihirap ni Cristo at makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Nakikiusap ako sa inyo, 2 alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. a Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. 4 At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.
5 At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno ng iglesya. Magpa-kumbaba kayong lahat sapagkat nasusulat, "Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban." 6 Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. 7 Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
8 Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila. 9 Huwag kayong matatakot sa kanya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pag-katapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpa-kailanman! Amen.
Pangwakas na Tagubilin
12 Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silas, b na isa nating kapatid at lubos kong pinag-kakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.
13 Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. 14 Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Cristo.
Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga tagasunod ni Cristo.
No comments:
Post a Comment