Panimula:
Patuloy ang pagkalito ng mga kapatid sa Tesalonica tungkol sa pagbabalik ni Cristo. Sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Tesalonica, tinatalakay niya ang maling akala na nakabalik na ang Panginoon. Ipinapaliwanag niya na hindi magaganap ang pagbabalik ni Cristo hangga't hindi lumilitaw ang tinatawag na "Suwail". Aabot sa sukdulan ang kasamaan sa ilalim ng pamumuno ng "Suwail" na ito na sasalungat kay Cristo. Binibigyang-diin dito ng apostol na dapat silang manatiling matatag sa pananampalataya sa kabila ng mga kaguluhan at kahirapan. Dapat silang magtrabaho para sa kanilang ikabubuhay gaya ng ginawa niya at ng kanyang mga kasamahan, at dapat din silang magtiyaga sa paggawa ng mabuti.2 Tesalonica 1: 1-12
1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo---Para sa iglesya sa Tesalonica, sa mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.2 Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa ating a Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Paghuhukom
3 Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na tumatatag ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. 4 Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.5 Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, at ginagawa niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. 6 Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin sa pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. 8 Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumilala sa Diyos at hindi sumunod sa Magandang Balita ng ating Panginoong Jesus. 9 Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagparito upang tanggapin ang papuri mula sa kanyang mga pinili at ang parangal ng lahat ng sumasampa-lataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat tinanggap ninyo ang Magandang Balitang ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
2 Tesalonica 2:1-17
Ang Suwail
1 Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo 2 na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. 3 Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail a na tiyak na mapapahamak. 4 Itataas niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.5 Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. 6 Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. 7 Ngayon pa man ay palihim na siyang gumagawa ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, 8 mahahayag na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong Jesus, b papatayin niya ang Suwail sa pamamagitan lamang ng pag-ihip at pupuksain niya ito sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag.
9 Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. 10 Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak, sa mga taong ayaw umibig sa katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. 11 Dahil ayaw nilang tanggapin ang katotohanan, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na tumanggap sa katotohanan.
Hinirang Upang Maligtas
13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, batay sa sinabi at isinulat namin.16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng hindi nagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo at maisagawa ang lahat ng mabuti.
2 Tesalonica 3:1-18
Ipanalangin Ninyo Kami
1 Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at pahalagahan ng lahat, tulad ng ginagawa ninyo. 2 Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong masasama at walang kinikilalang Diyos, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.3 Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. 4 Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.
5 Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan na kayo ay mahal ng Diyos at si Cristo ang nagpapatatag sa inyo.
Dapat Maghanapbuhay
6 Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga itinuro namin sa inyo. 7 Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo. 8 Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan. 10 Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, "Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho."11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba.
13 Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti. 14 Maaaring mayroon sa inyo diyan na hindi susunod sa sinasabi namin sa sulat na ito. Kung magkagayon, tandaan ninyo siya at huwag kayong makihalubilo sa kanya, upang siya'y mapahiya. 15 Ngunit huwag naman ninyo siyang ituturing na kaaway; sa halip, pangaralan ninyo siya bilang kapatid.
Bendisyon
16 Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon.
17 Akong si Pablo ang sumulat ng pagbating ito. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat.
18 Sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
No comments:
Post a Comment