Panimula:
Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Colosas ay para sa iglesya sa Colosas, isang bayan sa Asia Minor sa silangan ng Efeso. Hindi si Pablo ang nagtatag ng iglesyang ito, subalit may pananagutan din siya rito sapagkat nagsugo siya rito ng mga manggagawa mula sa Efeso, ang kapitolyo ng Roma sa Asia. Nalaman niya na may mga huwad na guro sa iglesya roon. Itinuturo ng mga ito na kailangang ang tao'y sumamba sa ilang "kapangyarihang espirituwal" para makilala niya ang Diyos at magkamit ng lubos na kaligtasan. Itinuturo pa nila na dapat pailalim ang tao sa mga tanging rituwal, gaya ng pagtutuli, at buong higpit na sundin ang mga tuntunin tungkol sa pagkain at iba pang bagay.Sumulat si Pablo para salungatin ang mga turong ito sa pamamagitan ng tunay na turong Cristiano. Ito ang buod ng kanyang sulat: si Jesu-Cristo lamang ang makakapagbigay ng lubos na kaligtasan. Ang ibang paniniwala at mga alituntunin ay naglalayo ng mga mananampalataya sa kanya. Sa pamamagitan ni Cristo, nilalang ng Diyos ang sanlibutan. Ang tanging paraan para maligtas ay ang pakikipag-isa kay Cristo. Inisa-isa niya ang kahulugan ng dakilang turong ito para sa mga mananampalataya.
Kapansin-pansin dito na si Tiquico, na siyang nagdala sa Colosas ng sulat na ito ni Pablo, ay sinamahan ni Onesimo, ang aliping may kinalaman sa pagsulat ni Pablo kay Filemon.
Colosas 1: 1-29
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo:2 Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo.
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.
Panalangin ng Pasasalamat
3 Tuwing ipapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama a ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, 5 dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo doon sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. 6 Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 7 Natutunan ninyo ito kay Epafras, ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo. b 8 Sa kanya namin nalaman ang tungkol sa pag-ibig na ipinagkaloob sa inyo ng Espiritu.
9 Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo c sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, 14 na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. d
Ang Likas at Gawain ni Cristo
15 Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus. e
21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging tagapangaral ng Magandang Balitang ito na ipinahayag sa lahat ng tao sa buong daigdig.
Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya
24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga pinili. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa lahat ng mga Hentil ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming pinapaalalahanan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. 29 Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob sa akin ni Cristo.
Colosas 2: 1-23
1 Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. 2 Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman patungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo. a 3 Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.4 Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga pananalitang mapanghikayat. 5 Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.
Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo
6 Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya. 7 Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
8 Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito. 9 Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao. 10 Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11 Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu. 12 Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 13 Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at 14 pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. 15 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.
16 Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa ipinaggigiitan nilang mga bagay na di naman nakikita. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Siya rin ang nagdurugtong ng mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
20 Kayo'y namatay nang kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng 21 "Huwag hahawak nito," "Huwag titikim niyan," "Huwag gagalawin iyon"? 22 Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. 23 Sa biglang tingin, tila nga makakabuti ang ganoong uri ng pagsamba at ang ganoong pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay hindi nakakapigil sa hilig ng laman.Colosas 3: 1-25
1 Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.Ang Dati at Bagong Buhay
5 Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos ang mga taong ayaw pasakop sa kanya. a 7 Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pitang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.8 Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
12 Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya kayo sa isa't isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. b 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Ang Pagsasamahang Nararapat
18 Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila.
20 Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon.
21 Mga magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob.
22 Mga alipin, sa lahat ng bagay ay sundin ninyo ang inyong mga amo. May nakakakita man o wala, maglingkod kayo hindi upang kalugdan ng mga tao, kundi dahil sa kayo'y talagang tapat at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 24 Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo. 25 Ang makasalanan naman ay paparusahan niya sa kanilang kasalanan, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan.
Colosas 4:1-18
1 Mga amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit.Mga Tagubilin
2 Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. 3 Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. 4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa sinumang nagtatanong.
Pangwakas na Pagbati
7 Si Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. 9 Kasama niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.
10 Kinukumusta kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga Cristianong Judio rito na kasama ko sa pangangaral tungkol sa paghahari ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos. 13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Nangungumusta rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.
15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. 16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. 17 At pakisabi ninyo kay Arquipo na ipagpatuloy ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Akong si Pablo ang siyang sumulat ng pagbating ito. Huwag ninyo sanang kalilimutan na ako'y nakabilanggo.
Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng Diyos.
No comments:
Post a Comment