Panimula:
Si Tito ay isang Hentil na nahikayat sa Cristianismo at naging kamanggagawa ni Pablo sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Naiwan si Tito sa pulo ng Creta upang mangasiwa sa iglesya roon. Tatlo ang pangunahing paksa ng sulat na ito.Una, ipinapaalala ni Pablo kay Tito ang mga katangiang dapat taglayin ng mga namumuno sa iglesya, lalo na sa gitna ng maraming taga-Cretang masasama ang ugali. Ikalawa, pinapayuhan ni Pablo si Tito kung paano niya tuturuan ang matatandang lalaki, ang matatandang babae (na siya namang dapat magturo sa mga kabataang babae), mga kabataang lalaki, at mga alipin. Ikatlo, pinapayuhan din si Tito na sumulat tungkol sa asal Cristiano; na siya'y dapat maging mapagpayapa, mabuting makisama, at umiwas sa pakikipagtalo, at sa mga alitan sa iglesya.
Tito 1: 1-16
1 Mula kay Pablo, isang lingkod ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makakapaglapit sa atin sa Diyos, 2 at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi sinungaling. 3 Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.
4 Sumusulat ako kay Tito, na tunay kong anak sa pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
Mga Gawain ni Tito sa Creta
5 Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang pumili ka ng mga matatandang mamamahala sa iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. 6 Pumili ka ng mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, a at ang mga anak ay mananampalataya at hindi magugulo o matitigas ang ulo. 7 Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa b ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, 8 bukas ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, makatarungan, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. 9 Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutuhan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang sumasalungat laban sa mga aral na ito. Dinadaya nila ang iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilin mo sila sa kanilang ginagawang ito sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya. Kumita lamang sila ng salapi ay nagtuturo sila ng mga bagay na di dapat ituro. 12 Isa na rin sa mga propetang taga-Creta ang nagsabi, "Ang mga taga-Creta ay talagang sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw." 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang sila'y mamuhay nang maayos ayon sa kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit hindi naman ito nakikita sa kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi makagawa ng anumang mabuti.
Tito 2: 1-15
Ang Wastong Pamumuhay
1 Ang ituro mo naman ay ang mga bagay na naaayon sa wastong aral. 2 Sabihin mo sa matatandang lalaki na sila'y maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis. 3 Sabihin mo sa matatandang babae na sila'y mamuhay na may kabanalan, huwag maninirang-puri, huwag maglalasing kundi magturo sila ng mabuti, 4 upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. 5 Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging mahinahon, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.6 Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 7 Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. 8 Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Kaya't mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.
9 Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, 10 ni pagnakawan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng mga katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin upang talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at upang makapamuhay tayo ngayon nang may pagpipigil, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang dakilang araw na ating inaasahan. Ito ang pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Inihandog niya ang kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging bayan niyang masigasig sa paggawa ng mabuti.
15 Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.
Tito 3: 1-15
Ang Dapat na Maging Ugali ng mga Cristiano
1 Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at may kapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. 2 Pagbawalan mo silang magsalita ng masama laban kaninuman, at turuan mo silang maging mahinahon at magalang sa lahat ng mga tao. 3 Noong una, tayo'y mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. 4 Ngunit nang mahayag sa atin ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin ay binago ng Espiritu Santo. 6 Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 7 upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ayon sa ipinangakong buhay na walang hanggan.8 Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. 9 Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga pagtatalo at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang mabuting ibubunga at walang halaga. 10 Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, 11 dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali.
Pangwakas na Paalala
12 Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta dito sa Nicopolis. Dito na ako magpapalipas ng taglamig. 13 Sikapin mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila nagkukulang sa anumang pangangailangan. 14 Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na gumawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya.
Pagpalain kayong lahat ng Diyos.
No comments:
Post a Comment