Wednesday, September 16, 2015

Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo


Panimula:

               Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo ay payo sa isang nakababatang kamanggagawa. Katatagan ang pangunahing paksa nito. Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo at pinapalakas ang loob nito upang magpatuloy sa matapat na pagsaksi para kay Jesu-Cristo, at matatag na panghawakan ang turo ng Banal na Kasulatan. Ipinapayo rin niyang gampanan ni Timoteo ang kanyang tungkulin bilang guro at tagapagpahayag ng Magandang Balita, at gawin ang lahat ng ito sa kabila ng mga kahirapan at mga pagsalungat sa kanya ng mga tao.

               May babala rin siya kay Timoteo tungkol sa mga walang kabuluhang pakikipagtalo na walang ibinubungang mabuti, sa halip ay nagpapahamak.

               Sa lahat ng mga ito, si Timoteo ay pinapaalalahanan ni Pablo na siya man ay dapat maging magandang halimbawa sa pananampalataya, pag-ibig, at pagtitiis maging sa gitna ng paghihirap.

               Sa sulat na ito, si Pablo ay nagpapahiwatig na rin na siya'y maaring malapit nang mamatay dahil sa kanyang pananampalataya kay Cristo. Gayunpaman, naniniwala siyang may gantimpalang nakalaan para sa kanya (4:6-8). Kaya naman ipinapaalala niya kay Timoteo ang tunay na kahulugan ng kanilang mensahe:

"Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.
Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya." (2:11-12a)


2 Timoteo 1: 1-18

               1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus---

               2 Kay Timoteo na minamahal kong anak.

               Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.


Pasasalamat at Paalala

               3 Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang tapat gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. 4 Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalala ko ang iyong pagluha. 5 Hindi ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na unang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ng iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nasa iyo ang pananampalatayang ito. 6 Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na gamitin mong mabuti ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. 7 Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.

               8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos 9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

               11 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y ginawang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat lubos kong kilala ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa wakas ang ipinagkatiwala ko sa kanya. a 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang lahat ng magagandang bagay na ipinagkatiwala sa iyo.

               15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng kapatid natin sa Asia, pati na nina Figelo at Hermogenes. 16 Pagpalain nawa ng Diyos ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon, ako'y kanyang inaliw at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. 17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.



2 Timoteo 2: 1-26

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

               1 Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. 2 Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba.

               3 Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. 4 Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. 5 Ang isang manlalaro ay hindi maaaring manalo kung hindi sumusunod sa mga alituntunin ng laro. 6 Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat munang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan. 7 Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.

               8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang Magandang Balitang ipinapangaral ko, 9 at siya ring dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maibibilanggo ang salita ng Diyos. 10 Pinapagtiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang buhay na mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:

"Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
mabubuhay din tayong kasama niya.

12 Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag siya'y ating ikinahiya,
ikakahiya rin niya tayo.

13 Kung tayo man ay hindi tapat,
siya'y nananatiling tapat pa rin
sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili."

Tapat na Lingkod ni Cristo

               14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga debateng walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang malalaswa at walang kabuluhan, sapagkat ang mga iyan ang nagiging dahilan ng pagtalikod ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga katuruan nila'y parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: "Nakikilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya," at, "Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan."

               20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. 21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya nga bilang isang kabataan, iwasan mo ang masasamang pagnanasa, subalit pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis at tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pakikipagdebate sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Diyos ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling marapatin ng Diyos na sila'y magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan upang makilala nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag at umalipin sa kanila. a

2 Timoteo 3: 1-17

Ang mga Huling Araw

               1 Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay magkakaroon ng mga kahirapan. 2 Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. 3 Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, marahas, mapusok at namumuhi sa mabuti. 4 Sila'y magiging mga taksil, pabaya, mayabang, mahilig sa kalayawan at walang pag-ibig sa Diyos. 5 Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. 6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa bahay ng mga babaing walang pagpipigil sa sarili. Ang mga babaing ito'y alipin ng kanilang mga kasalanan at ng sari-saring pagnanasa. 7 Lahat na'y gustong matutuhan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y di sila nakakaunawa. 8 At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. 9 Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Tagubilin

               10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napakahirap ng dinanas ko! Ngunit sa lahat ng iyon ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.

               14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata ay alam mong ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.


2 Timoteo 4: 1-22

               1 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na darating bilang Hari at hahatol sa mga buhay at sa mga patay, inaatasan kitang 2 ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. 4 Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga alamat. 5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan, gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.

               6 Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. 7 Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. 8 Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

Mga Personal na Tagubilin

               9 Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling niya sa sanlibutan; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. 11 Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. 12 Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. 13 Pagpunta mo rito, dalhin mo ang aking damit na iniwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat.

               14 Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. 15 Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat tutol na tutol siya sa ipinapangaral natin.

               16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

               19 Ikumusta mo ako sa mag-asawang Priscila at Aquila, at sa pamilya ni Onesiforo. 20 Nagpaiwan sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto dahil may sakit siya. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig.

               Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

               22 Nawa'y sumaiyo ang Panginoon, at pagpalain ka ng Diyos.

















No comments:

Post a Comment