Panimula:
Ang pangunahing bagay na tinatalakay sa Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Efeso ay ang layunin ng Diyos na "tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo" (1:10). Isa rin itong panawagan sa mga anak ng Diyos na isabuhay nila ang kahulugan ng dakilang panukalang ito sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Jesu-Cristo. Sa unang bahagi ng sulat na ito, tinatalakay ng sumulat ang pagkakaisa. Tinatalakay niya rito ang paraan ng pagpili ng Diyos Ama sa kanyang bayan, ang kanyang pagpapatawad at pagpapalaya sa kanila mula sa kanilang kasalanan sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at kung papaanong pinatutunayan ng Espiritu Santo na matutupad ang dakilang pangako ng Diyos. Sa ikalawang bahagi nama'y nananawagan siya na gawin nilang makatotohanan sa kanilang buhay bilang isang lupon ng mga mananampalataya ang kanilang pakikipagkaisa kay Cristo. Upang ipakita ang pagkakaisa ng mga anak ng Diyos kay Cristo, gumamit siya ng ilang paglalarawan. Sinasabi niya na ang iglesya ay katulad ng isang katawan na ang ulo ay si Cristo; isang gusali na ang batong panulukan ay si Cristo, at isang babae na ang asawa ay si Cristo. Naging makulay ang mga pangungusap ng apostol sa aklat na ito dahil nakita niya ang kagandahang-loob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ang kagandahang-loob na ito ay ipinapakita sa aklat na ito ayon sa pag-ibig, pagpapakasakit, pagpapatawad, kagandahang-loob at kalinisan ni Cristo.Efeso 1: 1-23
1 Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso a at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: 2 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo 3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. 4 Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, 5 tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! 7 Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob 8 na ibinigay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kaalaman, 9 ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo. 11 Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. 13 Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian! Ang Panalangin ni Pablo 15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo tuwing ipinapanalangin ko kayo. 17 Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na ipagkaloob niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon 20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Kaya't nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya. 23 Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuno sa lahat ng bagay.
Efeso 2: 1-22
Patay Subalit Muling Binigyang-buhay
1 Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa ating laman, at sumusunod sa masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. 4 Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. 5 Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa pag-ibig niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8 Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; 9 hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman. 10 Sapagkat tayo'y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man. Pinag-isa kay Cristo 11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at "di-tuli" ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga "tuli" dahil sa ginagawa nila sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo na walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo sa Diyos ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil ang mga Judio at ang mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa niya ang Kautusang pawang mga utos at alituntunin upang ang mga Judio at mga Hentil ay maging iisang bayan na lamang, at sa ganito'y maghari ang kapayapaan. 16 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil, at sa inyong mga Judio. 18 Dahil kay Cristo, tayo'y kapwa nakakalapit sa presensya ng Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 19 Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Efeso 3: 1-21
Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil
1 Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus a alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. 3 Tulad ng naisulat ko na, ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang hiwaga. 4 At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa hiwaga tungkol kay Cristo. 5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay may bahagi rin sa mga pagpapala ng Diyos tulad ng mga Judio; kabilang din sila sa iisang katawan at may bahagi sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus. 7 Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging karapatan na ito, ang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, 9 at magpaliwanag sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. 11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. 13 Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal. Ang Pag-ibig ni Cristo 14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa Ama, 15 na siyang pinagmulan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig sa kanya. Dalangin ko na ang lahat ng inyong gawain ay nag-uugat sa pag-ibig 18 upang lubusang maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, gaano kahaba, gaano kataas, at gaano kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y malaman ninyo ang buong pagibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip upang kayo'y mapuspos ng kapuspusan ng Diyos. 20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin; 21 sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus magpakailanman! Amen.
Efeso 4: 1-32
Ang Pagkakaisa sa Espiritu
1 Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. 2 Kayo'y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magmahalan kayo at magpasensiya sa isa't isa. 3 Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisa na kaloob ng Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, tulad ng may iisang pag-asa nang kayo'y tawagin ng Diyos. 5 Tayo'y may iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, 6 iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat. 7 Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. 8 Ganito ang sinasabi ng kasulatan: "Nang umakyat siya sa kalangitan, nagdala siya ng maraming bihag, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao." 9 Anong ibig sabihin ng "umakyat siya"? Ang ibig sabihin niyan ay bumaba muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa. a 10 Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang lahat ng nilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesya, 13 hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan ay magiging isang katawan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lalaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig. Ang Bagong Buhay kay Cristo 17 Sa pangalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan, at wala na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan. 20 Hindi ganyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutuhan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwanan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan. 25 Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, maghanap siya ng marangal na ikabubuhay para makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita; lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo'y makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig. 30 At huwag na ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo ng Diyos, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Efeso 5: 1-33
Mamuhay Ayon sa Liwanag
1 Dahil kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2 Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos. 3 Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. 5 Alam na ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim sapagkat ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. 7 Kaya't huwag na kayong makikisama sa kanila. 8 Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. 9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag. a 10 Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag na kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, 14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. b Kaya't sinasabi, "Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo." 15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. 17 Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tagubilin sa Mag-asawa 21 Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo. 22 Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang asawa. 25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya 26 upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. 27 Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili bilang isang maluwalhating iglesya na walang anumang dungis ni kulubot man upang ito ay maging banal at walang kapintasan. 28 Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29 Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. 30 Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Gaya ng sinasabi sa kasulatan, "Dahil dito'y, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila'y magiging isa." 32 Ito ay isang dakilang hiwaga na aking inihahayag tungkol sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya. 33 Kaya't kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang naman ninyo ang inyong asawa.
Efeso 6: 1-24
Tagubilin sa mga Magulang at mga Anak
1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, a sapagkat ito ang nararapat. 2 "Igalang mo ang iyong ama at ina." Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong 3 "Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa." 4 Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon. Katuruan Para sa mga Alipin at mga Amo 5 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong paggalang, takot at katapatan, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. 6 Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya. 9 Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at siya'y walang itinatangi. Mga Sandatang Kaloob ng Diyos 10 Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 11 Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito---ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya't isuot ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makalalaban kayo kapag dumating ang masamang araw na sumalakay ang kaaway, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo. 14 Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; 15 isuot ninyo ang sandalyas ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. 16 Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. 17 Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. 18 Ang lahat ng ito'y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. 19 Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. 20 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat. Mga Pangwakas na Bati 21 Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. 22 Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob. 23 Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. 24 Ang pagpapala ng Diyos ay sumainyong lahat, sa inyo na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
No comments:
Post a Comment