Wednesday, September 16, 2015

Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Filipos tagalog kompleto

Panimula:


Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Filipos ay para sa unang iglesyang itinatag ni Pablo sa Europa. Ang Filipos ay isang lunsod sa Macedonia, na isang lalawigang sakop ng Roma. Nakabilanggo si Pablo nang sinulat niya ito. Naliligalig siya dahil may mga manggagawang Cristiano na sumasalungat sa kanya, at dahil na rin sa maling aral na nakapasok sa iglesya sa Filipos. Ngunit mababakas sa sulat na ito ang isang kagalakan at lakas ng loob na taglay ni Pablo dahil sa kanyang matibay na pananalig kay Jesu-Cristo.

               Ang pangunahing layunin ng sulat na ito ay pasalamatan ang mga mananampalataya sa Filipos dahil sa tulong na ipinadala nila sa kanya. Sa pamamagitan ng sulat na ito, sinikap niyang palakasin ang kanilang loob, upang huwag silang mabahala tungkol sa kanyang kalagayan, at sa kanilang mga sariling suliranin. Sila ay pinayuhan niya na maging mapagpakumbaba na gaya ni Jesus at huwag padala sa pagmamataas at makasariling hangarin. Ipinagunita niya na ang buhay na tinatamasa nila kay Cristo ay kaloob ng Diyos na tinanggap nila sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi sa pagganap ng mga alituntunin ng Kautusang Judio. Binigyan niya ng diin ang kagalakan at kapayapaang ibinibigay ng Diyos sa mga nagpapasakop kay Cristo.

               Sa sulat na ito'y binibigyang-diin ang kagalakan, kapanatagan, pagkakaisa, at pagpapatuloy sa pananampalataya at pamumuhay Cristiano. Binabanggit din dito ni Pablo ang kanyang marubdob na pagmamahal sa mga kapatiran sa Filipos.

Filipos 1: 1-30

1 Mula kina Pablo at Timoteo na mga alipin ni Cristo Jesus,

               Para sa mga taga-Filipos na tagasunod ni Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa a at mga tagapaglingkod: b 2 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo Para sa mga Taga-Filipos

               3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Tuwing ipinapanalangin ko kayong lahat, ako'y laging nagagalak 5 dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. 6 Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo.

               7 Minamahal ko kayo, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito at dahil magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. 8 Nalalaman ng Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

               9 Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, pagbabalik ni Cristo, matatagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Si Cristo ang Buhay

               12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Nalaman ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Cristo. 14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita. c

               15 Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. 16 Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. 18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko pa nga na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng ibang mga nangangaral.

               Ang isa ko pang ikinagagalak 19 ay ang pag-asang muli akong makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay o sa kamatayan man. 21 Sapagkat para sa akin, si Cristo ang aking buhay at kahit kamatayan ay pakinabang. 22 Ngunit kapag ako'y mananatiling buhay, ito'y kapaki-pakinabang din sapagkat ako'y makakagawa pa ng mabubuting bagay. Hindi ko malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; gusto ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti para sa akin. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.

               27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y nananatili sa iisang layunin at sama-samang ipinaglalaban ang pananalig sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y maliligtas, sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng tagumpay. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikibakang nakita ninyong ginagawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.


Filipos 2: 1-30

Ang Halimbawa ni Cristo


     1 Kaya nga, sapagkat mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, 2 lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. 3 Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa paghahangad ninyong maging tanyag; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. 4 Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. 5 Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

6 Kahit siya'y likas at tunay na Diyos,
hindi niya ipinagpilitang manatiling a kapantay ng Diyos.

7 Sa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos,
at naging katulad ng isang alipin.
Ipinanganak siyang tulad ng mga karaniwang tao.
At nang si Cristo'y maging tao,

8 nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
maging ito man ay kamatayan sa krus.

9 At dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at ibinigay sa kanya ang pangalang higit sa lahat ng pangalan.

10 Sa gayon, sa pangalan ni Jesus
ay luluhod at magpupuri ang lahat
ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. b

11 At para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama,
ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ang Panginoon.



Maging Ulirang Anak ng Diyos

  12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.

               14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagtutol at pagtatalo, 15 upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng mga taong mapanlinlang at mga masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ibinabalita ninyo sa kanila ang mensahe na nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa araw ng pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang aking mga pagpapagal sa inyo.

               17 Kung ang buhay ko ma'y maging handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.


Sina Timoteo at Epafrodito



19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. 20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. 21 Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. 23 Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. 24 Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.

               25 Inisip kong kailangan nang pauwiin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong rin dito. 26 Sabik na sabik na siya sa inyong lahat. c Nag-aalala siya dahil sa nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Tunay ngang siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan.

               28 Kaya nga, nais ko ring makauwi na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. 29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30 Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang inyong kakulangan sa akin.


Filipos 3: 1-21

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

               1 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para malayo kayo sa kapahamakan.

               2 Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng kanilang katawan. 3 Tayo ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus. Hindi tayo umaasa sa mga panlabas na seremonya.

               4 Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga panlabas na seremonya. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong gawain, lalo na ako. 5 Ako'y tinuli nang ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at katutubong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. 6 Dahil sa masugid kong pagsunod sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kaya't kung sa pagiging matuwid ayon sa Kautusan, wala ring maisusumbat sa akin.

               7 Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. 8 Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo 9 at lubusang makasama niya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan 11 upang ako man ay muling buhayin mula sa mga patay.

Magpatuloy Tungo sa Hangganan

               12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan. 14 Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.

               15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay ipagpatuloy natin ang ating natutuhan.


               17 Mga kapatid, tumulad kayo sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo, at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na makalupa. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang-lupa na may kahinaan ay babaguhin niya upang maging maluwalhating tulad ng kanyang katawan.




Filipos 4: 1-23

Ilang mga Tagubilin

               1 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinapanabikan, aking kagalakan at karangalan, magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

               2 Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. 3 Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, na tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.

               4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! 5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

               8 Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. 9 Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Salamat sa Inyong Tulong

               10 Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong matulungan ako. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. 12 Naranasan ko na ang maghikahos; naranasan ko na rin ang managana; natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. 13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.

               14 Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa aking mga paghihirap. 15 Alam naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita. 16 Noong ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. 17 Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. 18 Narito ngayon ang katibayan ng labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. 19 At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 20 Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

               21 Paratingin ninyo sa lahat ng hinirang ng Diyos at nananalig kay Cristo Jesus ang aking pagbati at ng ating mga kapatid na kasama ko rito. 22 Binabati kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos, lalo na ng mga naglilingkod dito sa palasyo ng Emperador.


               23 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo.





No comments:

Post a Comment