Ang Ikalawang Sulat ni Pedro
Panimula:
Ang Ikalawang Sulat ni Pedro ay para sa maraming grupo ng mga unang mananam-palataya. Ang pangunahing layunin nito ay labanan ang mga turo ng mga huwad na guro at ang mga kasamaang ibinubunga nito. Ang kasagutan sa mga problemang ito'y nasa pananatili sa tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo na ipinapahayag ng mga nakakita kay Jesus at nakarinig sa kanyang pagtuturo. Nababahala siya, higit sa lahat, sa turo na si Cristo ay hindi na babalik. Sinasabi ni Pedro na naaantala ang pagbabalik ni Cristo dahil sa katotohanang "Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak"(3:9).2 Pedro 1: 1-21
1 Mula kay Simon Pedro, isang lingkod at apostol ni Jesu-Cristo---Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
2 Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.
Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos
3 Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. 4 Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.
5 Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; 6 sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; 7 sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. 8 Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. 9 Ang taong wala ng mga katangiang iyan ay mistulang bulag at nakalimot na pinatawad na siya sa kanyang mga kasalanan.
10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang mapatunayan ninyong kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung ganito ang gagawin ninyo, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y maluwag na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. 13 Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. 14 Alam kong hindi na ako magtatagal sa buhay na ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y nasa kabilang buhay na.
Ang mga Saksi sa Kadakilaan ni Cristo
16 Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan 17 nang tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kapurihan. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan." 18 Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok.
19 Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuting ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. 20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makakapagpaliwanag ng alinmang propesiya sa Kasulatan sa sariling kakayahan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
2 Pedro 2: 1-22
Mga Huwad na Guro1 Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong nagligtas sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. 2 At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay mapaparatangan ng masama. 3 Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang matatamis na pananalita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.
4 Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman a upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. 5 Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. 6 Sinumpa at tinupok b ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. 7 Ngunit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang namighati dahil sa mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. 8 Naghihirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. 9 Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paanong paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahalay na nasa ng katawan at humahamak sa kapangyarihan ng Diyos.
Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong binabanggit ko. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel, kaysa mga huwad na guro, na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Ang kaligayahan nila'y ang hayagang magpasasa sa nasa ng laman. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi mga babaing mapag-aaliwan nila; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor c na nagpahalaga sa bayad sa paggawa ng masama. 16 Dahil dito, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos ang kadiliman para sa kanila. 18 Mayayabang sila kung magsalita, ngunit wala namang kabuluhan ang sinasabi. Ginagamit nila ang nasa ng laman upang maibalik sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay ng may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa nahihikayat nila, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang mapanagumpayan. 20 Nakaiwas na sa kasamaan ng daigdig ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit kung muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila natutuhan ang daang matuwid, kaysa matapos matutuhan ang banal na Kautusang itinuro sa kanila ay tumalikod sila dito. 22 Angkop na angkop sa nangyari sa kanila ang mga kasabihang:
"Ugali ng aso, matapos sumuka ay muling kinakain ang nailuwa na,"
at,
"Ito namang baboy, paliguan mo man, pilit na babalik sa dating lubluban."
2 Pedro 3: 1-18
Ang Pangakong Pagdating ng Panginoon1 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. 2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa nasa ng laman. 4 Sasabihin nila, "Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito." 5 Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. 6 Sa pamamagitan din ng tubig, ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. 7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.
8 Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak.
10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala. a 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madaling dumating ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran, sapagkat ganoon ang kanyang pangako.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. Kaya lang, ang ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.
17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Magpatuloy kayong lumago sa kagandahang-loob at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.
No comments:
Post a Comment