Panimula:
Si Timoteo ay isang kabataang Cristiano na mula sa Asia Minor. Isang Griego ang kanyang ama at Judio naman ang kanyang ina. Siya'y naging kasama at katuwang ni Pablo sa pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo. Sa Unang Sulat ni Pablo kay Timoteo, tatlong pangunahing paksa ang tinatalakay.Ang sulat na ito'y babala laban sa mga maling turo na pumapasok sa iglesya. Halimbawa, ang paniniwala na ang mundo ay likas na masama, at ang kaligtasan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mga kaalamang lihim at sa pagsunod sa ilang tuntunin, gaya ng pagbabawal ng ilang uri ng pagkain at ang di pag-aasawa. Nilalaman din ng sulat na ito ang mga tagubilin tungkol sa pamamahala at pagsamba sa loob ng iglesya. Inilalahad niya ang mga katangiang dapat taglayin ng mga pinuno at ng mga naglilingkod dito. Si Timoteo ay pinapayuhan din ng sumulat na maging mabuting lingkod ni Jesu-Cristo at pinapaalalahanan tungkol sa mga pananagutan niya sa kapwa mananampalataya.
1 Timoteo 1:1-20
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa---2 Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Babala Tungkol sa Maling Katuruan
3 Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, 4 at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. 6 May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang pakikipagdebate. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang ipinagpipilitang ituro.8 Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. 9 Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikiapid sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga saksing hindi nagsasabi ng totoo. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng dakila at mapagpalang Diyos.
Pagkilala sa Habag ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus ang kanyang di-masukat na pag-ibig sa akin, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan nito ay masigla kang makipaglaban, 19 na taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, kaya ipinaubaya ko na sila sa kapangyarihan ni Satanas upang matigil na ang kanilang paglapastangan sa Diyos.
1 Timoteo 2: 1-15
Mga Tagubilin Tungkol sa Panalangin
1 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. 2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. 3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. 5 Sapagkat iisa ang Diyos, at tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos. 6 Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. 7 Dahil dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanang ito para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!8 Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.
9 Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at maingat sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging kasuotan nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay hayaang matuto sa kanilang pananahimik at sa lubos na pagpapasakop. 12 Hindi ko sila pinapayagang magturo o sumabat habang ang mga lalaki ay nagtuturo, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva, 14 at hindi si Adan kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.
1 Timoteo 3: 1-16
Ang mga Tagapangasiwa sa Iglesya
1 Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa a sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. 2 Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, b marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. 3 Hindi siya lasenggo, hindi marahas, kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. 4 Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. 5 Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya maiayos ang sarili niyang pamilya? 6 Kailangang siya'y matagal nang mananampalataya; sapagkat kung hindi, baka siya'y maging palalo at mapahamak na gaya ng diyablo. 7 Bukod dito, kailangang siya'y may mabuting patotoo sa paningin ng mga hindi sumasampalataya upang di siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya
8 Ang mga tagapaglingkod c naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. 9 Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. 10 Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod.11 Gayundin naman, ang mga babaing tagapaglingkod d ay dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, mapagtimpi at matapat sa lahat ng mga bagay.
12 Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa e at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. 13 Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay iginagalang ng mga tao at buong tiwalang makapagpapahayag tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon
14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga taong kabilang sa sambahayan ng Diyos na buhay, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga Hentil,
pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan.
1 Timoteo 4: 1-16
Mga Huwad na Guro
1 Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. 2 Ang mga katuru- ang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. 4 Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat 5 sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. Maipapakita mong pinalakas ka ng mga turo tungkol sa pananampalataya at sa mabuting aral na iyong sinusunod. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, pagsumikapan mong maging maka-Diyos. 8 May pakinabang sa pagpapalakas ng katawan, ngunit ang pagsusumikap na maging maka-Diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo a at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buhay at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga mananampalataya.11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag- uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu Santo na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong pagkilos at pagtuturo; patuloy mong gawin ang mga bagay na ito upang maligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.
1 Timoteo 5: 1-25
Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya
1 Huwag mong pagsasalitaan nang marahas ang lalaking nakatatanda sa iyo, kundi paalalahanan mo siya na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. 2 Ituring mong parang sariling ina ang matatandang babae, at pakitunguhan mo nang buong kalinisan ang mga kabataang babae na parang iyong mga kapatid.3 Tulungan mo ang mga biyudang walang ikabubuhay. 4 Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. 5 Ang tunay na biyuda ay iyong nag-iisa na sa buhay, at tanging sa Diyos lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin sa araw at gabi. 6 Samantala, ang biyudang nabubuhay sa kalayawan ay maituturing nang patay. 7 Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. 8 Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di mananampalataya.
9 Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababa sa animnapung taong gulang, minsan lamang nag-asawa, a 10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob sa mga kapatid sa Panginoon, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.
11 Huwag mong isasama sa listahan ng mga biyuda ang mga bata pa, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. 12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. 13 Sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahilig makialam sa buhay ng may buhay at madadaldal. 14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng pagkakataong mapintasan tayo, 15 sapagkat may ilan nang biyudang nailigaw ni Satanas.
16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang inaasahan.
17 Ang mga pinunong mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, "Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik." Nasusulat din, "Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran."
19 Huwag mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.
21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.
23 Huwag puro tubig lang ang iyong iinumin; uminom ka rin ng kaunting alak na gamot sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.
24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa humarap sa hukuman. At mayroon din namang ang kasalanan ay huli na kung mahayag. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na madaling mapansin; ngunit kung hindi man mapansin agad, ito'y hindi maililihim habang panahon.
1 Timoteo 6: 1-21
1 Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabi laban sa pangalan ng Diyos at sa ating mga aral. 2 At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila Cristiano, hindi sila dapat magkulang ng paggalang sa mga ito sa dahilang sila'y magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang pinaglilingkuran nila'y kaisa sa pananampalataya at pag-ibig.Mga Huwad na Guro at ang Tunay na Kayamanan
Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito. 3 Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, 4 siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagdebate tungkol sa mga salita, mga bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at pagbibintang. 5 Mahilig din siyang makipagdebate sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang akala ng mga ganitong tao ay paraan ng pagpapayaman ang relihiyon.
6 Kung sabagay, malaki nga ang mapapakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. 7 Wala tayong dalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. 8 Kaya nga't, dapat na tayong masiyahan kung tayo'y may kinakain at isinusuot. 9 Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasamang hangaring magtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. 10 Sapagkat ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.
Mga Tagubilin Para kay Timoteo
11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kahinahunan. 12 Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos ko sa iyo, sa pangalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harap ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo kay Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.17 Ituro mo sa mayayaman na huwag silang magmamataas; at huwag silang umasa sa kayamanang lumilipas, kundi sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan upang tayo'y masiyahan. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa matatag na hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.
20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang baluktot na pangangatuwiran. 21 Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya.
Pagpalain nawa kayo ng Diyos.
No comments:
Post a Comment