Wednesday, September 16, 2015

Ang Unang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Tesalonica


Panimula:

               Ang lunsod ng Tesalonica ay kabisera ng Macedonia, na isang lalawigang sakop ng Roma. Si Pablo ay nagtatag doon ng isang iglesya pagkagaling niya sa Filipos. Di nagtagal at sinalungat siya ng ilang Judiong naiinggit sa kanyang tagumpay sa pangangaral sa mga Hentil. Dahil dito, napilitan siyang umalis doon at nagtuloy sa Berea. Di nagtagal, nang nasa Corinto na si Pablo, tumanggap siya ng ulat mula sa kanyang kasama at kamanggagawang si Timoteo tungkol sa kalagayan ng iglesya sa Tesalonica.

               Ang liham na ito ay sinulat ni Pablo upang palakasin ang loob ng mga Cristiano sa Tesalonica at bigyan sila ng panibagong pag-asa. Nagpapasalamat sa Diyos si Pablo dahil nabalitaan niya ang kanilang pananampalataya at pag-ibig. Ipinagugunita niya sa kanila ang uri ng kanyang buhay noong siya'y kasama pa nila, saka niya sinagot ang mga katanungan tungkol sa pagbabalik ni Cristo. Ang isa bang mananampalatayang namatay bago bumalik si Cristo ay magtatamo rin ng buhay na walang hanggan? Kailan babalik si Cristo? Pinayuhan sila ni Pablo na patuloy na magsikap sa gawain habang hinihintay ang pagbabalik ni Cristo.


1 Tesalonica 1:1-10

               1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo---

               Para sa iglesya sa Tesalonica, ang mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

               Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos.

Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

               2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. 3 Binabanggit namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawaing bunga ng inyong pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. 5 Ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. 6 Namuhay kayo ayon sa aming halimbawa at ayon sa Panginoon. Nang tanggapin ninyo ang Magandang Balita, dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, gayunpama'y taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. 7 Kaya't naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya, 8 sapagkat hindi lamang ang katuruan tungkol sa Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. 9 Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, 10 at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos


1 Tesalonica 2: 1-20

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

               1 Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. 2 Alam ninyong hinamak kami't ininsulto sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. 3 Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang pagnanasa, o sa hangad na manlinlang. 4 Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami sa inyo, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakakasiyasat ng ating puso. 5 Alam ng Diyos at alam din ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukub- li ng kasakiman. 6 Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman 7 kahit na, bilang mga apostol ni Cristo, ay may katuwiran kaming umasa ng ganoon. Ngunit naging magiliw kami sa inyo, tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. 8 Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang namin inihandog ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay ay ihahandog din namin. 9 Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

 Si Pablo habang nagtuturo sa mga Taga-Tesalonica guhit ni Gustave Dore    1 Tesalonica 2: 11-12 - Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
               10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

               13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap mula sa tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Hinahadlangan nila ang aming pangangaral na makakapagligtas sa mga Hentil. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.


Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli

               17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling malayo sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Makailang ulit kong binalak dumalaw diyan sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo lamang ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.


1 Tesalonica 3:1-13

               1 Nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas 2 at suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa sa Diyos a b sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, 3 upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. 4 Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. 5 Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka nalinlang na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

               6 Ngayon ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay naaliw kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. 8 Nabuhayan kami ng loob dahil sa inyong pananatiling matatag sa pananampalataya. 9 Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

               11 Loobin nawa ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y pasaganain at pag-umapawin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang kanyang mga hinirang.



1 Tesalonica 4:1-18

Ang Buhay na Nakalulugod sa Diyos

               1 Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, pamumuhay sang-ayon sa inyong natutuhan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. 2 Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. 3 Kalooban ng Diyos na kayo'y magpakabanal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. 4 Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa, a 5 at hindi pagsunod lamang sa nasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil. 6 Sa bagay na ito, huwag ninyong pagsamantalahan ang inyong kapwa at huwag siyang dadayain sa anumang paraan, sapagkat mahigpit na paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng sinabi namin at pinatotohanan sa inyo noon pa man. 7 Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. 8 Kaya, ang sinumang ayaw sumunod sa katuruang ito ay hindi sa tao sumusuway, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa inyo ng kanyang Espiritu Santo.

               9 Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid sa pananampalataya, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo mag-iibigan. 10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pakialaman ang sariling gawain, at magtrabaho kayo upang mabuhay tulad ng itinuro namin sa inyo. 12 Dahil dito, kayo ay igagalang ng mga hindi mananampalataya at hindi kayo aasa sa iba para sa inyong ikabubuhay.

Ang Pagbalik ng Panginoon

               13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. 14 Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya.

               15 Ito ang katuruan ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa, tayong mga natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. 17 Pagkatapos, tayo namang mga buhay pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. 18 Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.



1 Tesalonica 5:1-28

Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon

               1 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat alam na ninyo na ang pagdating ng araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, "Tiwasay at panatag ang lahat," biglang darating ang sakuna. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buhay man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.

Pangwakas na Tagubilin at Pagbati

               12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa.

               14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Pagtiyagaan ninyo silang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.

               16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

               19 Huwag na ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag na ninyong bale-walain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at gawin ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.

               23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito.

               25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami.

               26 Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang kapatid kay Cristo. a 27 Ipinapakiusap namin sa inyo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid.

               28 Sumainyo nawa ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo.








No comments:

Post a Comment